BINALAAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng driver ng pedicabs, tricycles at e-trikes na huwag samantalahin ang mga pasahero sa pamamagitan ng pagsingil ng napakataas na pamasahe.
Sa reklamong natanggap ni Moreno, ang mga pasahero ay sinisingil ng mula P80 hanggang P100 bawat isa kahit ang napagkasunduang ay P20 lamang ang pamasahe.
Ayon pa kay Moreno sa tuwing sinisingil ang mga pasahero ng mula P80 hanggang P100 sa halip na P20 ay ninanakawan na ng mga tri-wheeled drivers ang mga ito ng kanilang makakain dahil ang isang complete meal sa fast food ay nagkakahalaga lamang ng P76.
Binigyang diin pa ng alkalde, pinayagan niya ang may 19,000 tri-wheel public transport drivers na mamasada sa lungsod sa kabila na may umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) upang magkaroon ng hanapbuhay na mas masuwerte kumpara sa jeepney drivers na hindi pa nakakabalik sa kanilang trabaho.
“Ang mga jeepney driver nganga na naman. ‘Wag ninyo tirahin ng P80 o P100. Etneb lang. Baka isang araw kayo rin ang mawala pag sobra na panggigipit ninyo sa taong gipit na. Gaya n’yo, gusto lang din nila maghanapbuhay,” ani Moreno.
Dahil dito, inatasan ni Moreno si Social Welfare Department Chief Re Fugoso na humanap ng paraan upang ang pamahalaang lungsod ay makapagbigay ng relief goods ang may 5,000 jeepney drivers na nakabase sa lungsod.
Kaya’t mahigpit na babala ang ibinigay ni Moreno sa mga abusadong driver na parurusahan nang naaayon sa batas ang mga ito dahil may mandato ang pamahalaang lungsod na protektahan ang publiko sa lahat ng oras. VERLIN RUIZ
Comments are closed.