ABUSONG GAMIT NG ANTIBIOTICS SALOT LABAN SA COVID-19

NATATANDAAN ko pa na ang tawag sa antibiotics dati ay ‘wonder drug’. Aksidenteng nadiskubre ng isang British scientist na si Dr. Alexander Fleming noong 1920s sa kanyang laboratoryo sa London ang nasabing gamot matapos makita niya na kusang pinapatay ng penicillin ang iba’t ibang uri ng bacteria.

Kaya naman naging ‘wonder drug’ ang penicillin o gamot na antibiotics sa samu’t saring sakit na sanhi ng impeksiyon ng bacteria.

Ang terminong antibiotics sa wikang ingles ay ‘against life’. Sa paksang tinatalakay natin ngayon ay tinutukoy natin dito ay ang mga mikrobyo. Iba’t ibang uri ang antibiotics. May antibacterials, antivirals, antifungals at antiparasitics. Ang nasabing gamot na antibiotics ay epektibo sa maraming klase ng impeksiyon.

Kaya naman tila inaabuso ang paggamit ng nasabing uri ng gamot. Ang karamihan ay hindi na kumokonsulta sa kanilang doktor at iinumin na lang ang gamot na antibiotics kapag masama ang pakiramdam nila. Dahil, dito ang DoH ay naghigpit na sa pagbebenta ng antibiotics sa mga botika.

Kailangan muna ng reseta mula sa doktor upang makabili maski na simple o generic na antibiotics na gamot.

Kaya naman sa ibang bansa, namomroblema sila sa abusong paggamit ng antibiotics na maaaring magresulta sa pag-develop ng resistance o paglakas ng impeksiyon ng bacteria sa katawan na hindi na kayang pagalingin ng gamot na antibiotics.

Ayon sa Pan American Health Organization (PAHO), maraming mga bansa sa Central at South America tulad ng Argentina, Uruguay, Ecuador, Guatemala at Paraguay ay nagbigay ulat na maraming kaso sa kanilang bansa na hindi na raw epektibo ang antibiotics sa kanilang mga pasyente na nagkakasakit dahil sa impeksiyon ng bacteria. Dahil daw dito ay maaaring dahilan din ito sa pagtaas ng kaso ng mga namamatay dahil sa Covid-19.

Ang nasabing mga uri ng gamot na antimicrobials tulad ng kontrobersiyal na ivermectin at chloroquine ay iniinom ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 at umaasa na mapagagaling sila sa nasabing sakit. Wala pang malinaw na laboratory test na mabisa ang nasabing mga gamot laban sa COVID-19.

Natatandaan ko pa na naging malaking isyu ito sa ating bansa noong mga panahon na hindi pa tayo dinadagsa ng mga gamot para sa bakuna laban sa COVID-19. Marami ang nagtutulak na payagan ito ng ating pamahalaan na legal na gamitin ang ivermectin at maaaring mabili sa botika laban sa COVID-19.

Medyo humupa na ang isyung ito sa ngayon.

Ang ivermectin at chloroquine ay pinayagan sa Brazil bilang gamot laban sa COVID-19. Ayon sa datos nila, 90% hanggang 100% sa mga pasyente na naospital dahil sa COVID-19 ay binigyan ng nasabing gamot.

Subalit may mga ulat sa pananaliksik na ang pang-aabuso sa antibiotics ay maaaring magkaroon ng panibagong bacteria na hindi na tumatalab ang nasabing mga gamot laban sa kanila. Kaya naman malaking palaisipan ito at babala sa atin na hindi lahat ng ordinaryong sakit ay magagamot ng antibiotic. Magpakonsulta pa rin sa doktor upang mabigyan ng wastong reseta ng gamot. Huwag tayo maging Doktor Kwak Kwak!