ACCURATE NA WEATHER FORECAST, MAS RESPONSABLENG AKSYON VS PAGBAHA

Mas “accurate” na weather forecasting mula sa Philippine Atmospheric Geophysical and  Astronomical Services Administration (Pagasa) at mas may mga responsibilidad  na aksyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at local government units (LGUs)  ang susi  upang matugunan at maiwasan ang landslides at trahedyang dulot ng “floodwater run off” o rumaragasang tubig at matinding baha galing sa mga kabundukan tuwing malakas ang ulan lalo na sa mga lugar na may mga quarrying sites sa bansa.

Ito ang sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Carlos Primo David sa isang  interview matapos  maiulat na may mga nasawi dahil sa “floodwater run off” landslide at ma­tinding baha sa kasagsagan ng pananalasa ng severe tropical cyclone Enteng na pinag-ibayo ng habagat noong Lunes,  lalo na sa mga bayan na sakop ng lalawigan ng Rizal kung saan ay kalbo na ang mga kabundukan dulot ng quarrying activities.

 “Nangyari yung Carina end of July. And then  yung inaasahan nating 2 to 3 na bagyo duma­ting ng August wala man lang dumating. Tapos nga yung September nga yung si Enteng ang dumating. Ang ipinapahiwatig sa atin dito ay yung weather pattern natin ay talagang napaka- highly variable.

Hindi na natin ma-predict na dapat ay may dalawa o tatlo sa August.Tapos biglang wala. In fact biglang bumaba yung level ng Angat natin pagkatapos ng Carina. Nga­yon na naman na September e bumulusok na naman yung pag ulan. So sa akin ang tingin ko first and foremost dyan  dyan yung accurate forecasting natin ng  ating weather pattern at yung rainfall forecast  na ating matatanggap ay susi talaga yan sa preparation,” sabi ni David.

“Tingin ko there is still room for improvement dahil pag tiningnan naman natin yung forecasting sa ibang bansa e medyo mas accurate sila pag sinabing alas tres ng hapon ang ulan dito sa lugar na ito, ganito kalakas.

I think malaking bagay yan para sa preparation at -saka paglagay sa tamang mindset ng ating mga kababayan na ito hindi natin maiiwasan ang pag ulan.Pero kailangan natin mag-prepare.At yung information na ano dapat ang ating ipre­para ay susi yan sa ating kaligtasan,” dagdag pa niya.

Ayon kay David,  dahil sa pagbabago ng weather pattern dulot ng climate change hindi na  puwedeng asahan ang da­ting historical information  kung anong mga buwan ang posibleng asahan ang pagdating ng mga bagyo o masamang panahon. Kaya malaki  ang maitutulong ng modernization ng PAGASA.

 “Hindi na natin ka­yang magforecast base dun sa historical information natin dahil biglang nagbago na ang mga pattern, kung saan dumadaan yung mga bagyo. Kaya yung talagang forecasting natin on a daily or weekly basis ang pinakaimportante dahil hindi na natin maaasahan yung regular na maulan pagka August.Dahil ‘di nga dumating yung ulan ng Agosto. Kailangan talagang mag level.Kailangan sumunod na tayo sa pagbabago.Tingin ko with PAGASA modernization at tulong tulong dun sa pagbigay ng mga warnings.Tingin ko yung mga warnings, how we tell the people what to expect,”sabi ni David.

“May kaunting res­ponsibilidad ang DENR sa pagpuksa ng baha.Pero kung sasabihin na tingin ko ang may main na pinakaresponsibility dito ay DPWH at LGU dahil  devolved na yang mga functions na yan.Para sa DENR syempre yung reforestation natin sa watershed yan ang  nakapagpigil ng matataas na baha.Hindi niya 100 percent pwedeng pigilan ang pagbaha. Pero with a good forest cover ang ating watershed. Kunwari dyan sa Montalban.Sierra Madre area. E napapabagal natin yung daloy ang daloy ng tubig pababa ng Marikina River.Yan po ang parte ng DENR, sabi ni David.

Pagdating naman an­ya sa mga quarrying operations, ipinaliwanag ni David na kinakailangan din payagan ang mga aktibidad ng mga ito upang makakuha ng mga graba na kailangan sa industriya ng construction.

“Yung pagkakalbo ng kabundukan dahil sa mining and quarrying.Actually may kaunting misconception dyan. Dahil yung buong Marikina watershed, ang halos sa kalahating parte nyan ay tinatawag na protected area,yung upper Marikina water shed. Alam nyo po ba na yung upper Marikina watershed, yung protected area natin, national park kumbaga, 3 percent lang ang walang cover ng vegetation,60 percent ay intact forest cover.At yung remaining, 3 percent me­rong kabahayan. Walang mining, walang quarry sa upper Marikina river, dahil for the most part ay government owned pa rin. So yan ay sa tingin ko intact pa rin, we can still do reforestation efforts sa parteng  may kalbo.Pero ito ay kalahati lang ng buong Marikina. At sa baba lang ng Marikina water na protected area  ay yan ay urbanized area, Marikina,Rodriguez,and so on and so forth.Yan wala ng cover yan.At wala na silang magagawa.

Hindi na sumisipsip ng tubig yung lupa dahil sementado lahat,”sabi ni David.

Inamin rin ni David na may apat pa silang alam na may permit pa  quarrying operators sa lalawigan ng Rizal mula sa dating 11 na bilang nito.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia