ACES, ROAD WARRIORS MAGSASALPUKAN

Mga laro ngayon:

Ynares Center Antipolo

3 p.m. – Alaska vs NLEX

6 p.m. –  San Miguel vs Phoenix

AMINADO si coach Jeffrey Cariaso na ang bawat nalalabing laro ng Alaska sa PBA Governors’ Cup ay isang pagsubok.

Siguradong muling mapapalaban ang Aces sa pagsagupa sa NLEX Road Warriors ngayong Miyerkoles sa pagbabalik ng liga sa unang pagkakataon sa loob  ng halos tatlong taon sa Ynares Center sa Antipolo.

Nakatakda ang salpukan sa alas-3 ng hapon.

Matapos ang tatlong sunod na panalo, dalawa ay makaraang ianunsiyo nito na ang conference ang magiging huli ng franchise sa PBA, ang Alaska ay umakyat sa ikatlong puwesto at nasa tamang direksiyon para magkaroon ng katuparan ang pangarap ni owner Wilfred Uytengsu na matikas na lisanin ang liga.

Nasa isip na ni Cariaso ang naturang scenario, ngunit paulit-ulit na binigyang-diin sa kanyang tropa na huwag muna itong isipin at magpokus lamang sa kanilang laro.

Ang nasabing pag-iisip ay kinakailangan laban sa mapanganib na koponan tulad ng NLEX.

“With all due respect to our last two opponents, I feel tomorrow will be our biggest test since our resumption,” sabi ni Cariaso sa bisperas ng kanilang laro.

“They have a phenomenal import with very good local support. They’re always a tough opponent,” dagdag ni Cariaso.

Target ng Road Warriors ang ikalawang sunod na panalo at ika-6 sa kabuuan upang mapalakas ang kanilang tsansa na mapabilang sa  top four teams na may win-once advantage sa susunod na round.

Tulad ng sinasabi ni Cariaso, si  NLEX import KJ McDaniels ay malaking bagay sa koponan na may averages na 30.75 points, 11.63 rebounds, 3.63 assists at league-leading 2.8 blocks per game na may suporta nina Kevin Alas, Jericho Cruz, Don Trollano at  Kris Rosales.

Gayundin, ang NLEX ay siguradong may defensive scheme na nakalatag para kay Alaska’s Olu Ashaolu, na dalawang beses nang naglaro para sa Road Warriors.

Samantala, sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi ay maghihiwalay ng landas ang San Miguel Beer at Phoenix Super LPG.

Ang Beermen at Fuel Masters ay magkasalo sa ika-5 puwesto na may 4-3 kartada. CLYDE MARIANO