ACT AGRI-KAAGAPAY ORGANIZATION NAGLUNSAD NG LIVELIHOOD SKILLS TRAINING SA KABABAIHAN

BILANG  pagdiriwang ng nalalapit na Mother’s Day sa Linggo, ang Act Agri Kaagapay Organization, sa pakikipagtulungan ng Batangas local government officials sa pangunguna ni Mayor Janet Ilagan, ay nag-organisa ng isang livelihood skills training program sa paggugupit at pag-rebond ng buhok kahapon sa Barangay Lumang Lipa, Mataas na Kahoy, Batangas.

Aabot sa 300 kababaihan at ilang kalalakihan, ang lumahok sa naturang training program, na may titulong “Gunting at Suklay Caravan” at pinasimulan ni Act Agri-Kaagapay Organization founder at president Virginia Ledesma Rodriguez upang matulungang maiangat ang pamumuhay ng mahihirap na pamilya, gamit lamang ang suklay at gunting.

Sa isinagawang recognition ceremony sa covered court sa Bgy. Lumang Lipa, sinabi ni Rodriguez na isinagawa nila ang proyekto dahil sa paniniwala niyang mabibigyan ng empowerment ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga bagong kaalaman.

Nagbigay rin ng cash assistance si Ms. Rodriguez sa lahat ng participants ng training.

“This project will not be made possible without the support of Bgy. Capt, Noli Ilagan and his wife, Shioli Ilagan, and the full support of the next Batangas governor Jay “Manalo” Ilagan, by helping them acquire new skills, regain their confidence and the courage and an opportunity to earn so that they can support their families,” dagdag pa ni Rodriguez.

Nabatid na si Rodriguez ay itinuturing na “adopted child” ng Batangas dahil sa mga livelihood projects na inilunsad niya sa lalawigan.

Bukod sa hair cutting at re-bonding training, ang bawat kalahok sa aktibidad ay pinagkalooban rin ng starter kit, na naglalaman ng kumpletong set ng hair cutting at hair re-bonding tools, upang kaagad nilang magamit at mapagkakitaan ang kanilang bagong kaalaman.

Ang programa ay isinagawa ng mga trained industry professionals na pansamantalang iniwan ang kanilang mga sariling salon businesses upang makapagturo ng basic hair cutting technique and styles sa mga residente ng Batangas.

Ang Act Agri-Kaagapay organization ay isang pro-poor at pro-life organization na nagpapaabot ng tulong sa mga mamamayan, pangunahin na ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda, at indigenous peoples upang makapagtrabaho ang mga ito at magkaroon ng sariling pagkain sa kanilang hapag-kainan at maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay.

“It’s gratifying to be able to help people, and we hope that Act Agri-Kaagapay to continue helping more people for the years to come,” ani Rodriguez.

Tiniyak naman ni Rodriguez na bukod sa naturang hair and comb project, patuloy silang magsasagawa ng iba’t ibang libreng trainings at seminars sa produksiyon ng organic fertilizers na ang layunin ay mabawasan ang gastusin ng mga maliliit na magsasaka sa pagbili ng mamahaling at chemical based na pataba.