DAHIL sa nangyari sa West Philippine Sea (WPS) noong Sabado kung saan muntik nang mabangga ng China Coast Guard ang sasakyan ng Philippine Coast Guard at binomba pa ng tubig ang supply vessel ng Pilipinas, maghahain ng resolusyon ang ACT-CIS party-list hinggil sa nasabing problema.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, “napagkasunduan namin nina Cong. Edvic Yap at Cong. Jocelyn Tulfo na mag-file ng resolusyon para kausapin ang Estados Unidos na sa halip na sa katapusan pa ng taon ay gawing ASAP ang joint patrol ng ating mga bansa.”
“Hindi naman kasi natin kaya na pahintuin ang paglalapastangan ng Tsina sa ating teritoryo, so naisip namin na pakiusapan ang Amerika na tulungan tayo sa pagbabantay ng ating teritoryo dahil marami silang gamit at mas malalaki pa,” dagdag ni Cong. Tulfo.
Ayon pa sa mambabatas, sinubukan na raw ng Pilipinas ang diplomatic dialogue at maging ang back channeling kahit noon pang panahon pa ni Pang. PNoy subalit wala ring nangyayari.
Una nang napagkasunduan ng Pilipinas at US na magsagawa ng joint patrol ang Coast Guard ng dalawang bansa sa WPS sa huling bahagi ng 2023.
Subalit dahil sa insidente noong Sabado, nais ng ACT-CIS na mas agahan ang joint patrol ng US at Philippine Coast Guard (PCG).
“Napapansin ko kasi na kapag dumadaan ang Amerika sa WPS o South China Sea, walang magawa ang China Coast Guard maging ang navy nila,” ani Tulfo
Dagdag pa ng mambabatas, “entonces pag malaki rin na bansa ang dumadaan sa South China Sea ay wala silang magawa. So why not ask US to help us patrol our territory di ba?”