Binalaan ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap ang publiko hinggil sa kumakalat at naglalabasang maling impormasyon na puwede nang arestuhin ng pulis o militar ang sino mang tututol o magsasagawa ng kilos portesta laban sa pamahalaan.
Ayon kay Yap, hindi saklaw ng Anti-terror bill ang karapatan ng bawat isa na makapagpahayag tulad ng freedom of speech o freedom of expression.
Nilinaw rin niya na hindi totoo ang mga naglalabasang ulat, na kapag tumutol ka sa pamahalaan ay puwede ka nang arestuhin kahit walang warrant of arrest.
“HIndi po totoo lahat ng iyan. Malaya pa rin po tayong makakatuligsa sa pamahalaan, wala pong katotohanan na kapag oposisyon kay ay aarestuhin ka na. Tayo po mismo ang tututol diyan,” pahayag ni Yap.
Dagdag pa ng mambabatas, protektado pa rin ang freedom of expression at freedom of speech at hindi puwedeng pagbawalan ng kahit ano mang batas ang mga ito.
Giit pa ni Yap, ang naturang bill o ang Anti-Terrorism Act of 2020, ay layuning masawata ang terorismo na matagal nang kinakaharap ng bansa. Naka-pattern din ang naturang batas sa anti-terror law ng ibang malalaking bansa.
“Ang target po nito ay mga terorista at hindi po ‘yung mga lehitimong lumalaban o tumututol sa pamahalaan,” giit ni Yap.
Dagdag pa nito na ang aktibismo ay hindi kailanman ituturing na isang uri ng terorismo sa ilalim ng naturang batas.
“Kung pagbabawalan ang malayang pagpapahayag at karapatan ng tao, ako mismo ang isa sa magbabasura at haharang sa panukalang batas na ito,” ani Yap, kasabay ng pahayag na maganda ang layunin ng batas na ito.
Giit pa niya na sinisiguro rin ng panukalang batas na ito na mapo-protektahan ang karapatang pantao ng bawat isa.
Comments are closed.