AABOT sa halos ₱200,000 ng mga gamot ang ipinamamahagi ng ACT-CIS Partylist sa mga mahihirap na kababayan araw-araw.
Ayon kay ACT CIS Nominee Edvic Yap, aabot sa 100 mga reseta ang binibilhan nila ng gamot sa isang araw.
“Halos lahat ay maintenance medicine ng mga mahihirap nating kababayan at mga senior citizens,” ayon kay Yap.
Dagdag pa niya, “ang tanging requirement na hinihingi namin ay reseta at indigency certificate mula sa barangay at ID”.
“Kapag ipinasa nila ang kanilang reseta sa umaga, usually sa hapon ay pwede na nilang makuha ang gamot nila,” ani Yap.
Napag-alaman na tatlong taon nang ginagawa ng ACT CIS ang pagbibigay ng gamot sa mahihirap.
“Nag-umpisa yan nang maupo sa kongreso ang aming grupo. Kami ang tinuturo ng mga guwardiya para sa libreng gamot,” pahabol pa ni Yap.
Hindi bababa sa ₱2,000 na halaga ng gamot ang binibili ng ACT CIS sa bawat reseta.