INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na lamang ngayon sa mahigit 60,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y kahit pa nakapagtala pa ang DOH ng karagdagan pang 6,943 bagong kaso ng sakit sa bansa nitong Lunes, batay na rin sa case bulletin #583, na inilabas nila kahapon ng hapon.
Sa datos ng DOH, nabatid na umaabot na lamang ngayon sa 68,832 ang active cases ng COVID-19 cases sa bansa, o yaong nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Ang naturang bilang ay 2.5% na lamang ng total COVID-19 cases sa bansa, na umaabot na ngayon sa 2,727,286 dahil sa karagdagan pang 6,943 bagong COVID-19 cases.
Anang DOH, sa mga aktibong kaso ng sakit, 79.7% ang mild cases, 8.42% ang moderate cases, 5.5% ang asymptomatic, 4.5% ang severe at 1.9% ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng karagdagang 19,687 bagong gumaling sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,617,693 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.0% ng total cases.
Mayroong 86 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19, sanhi upang umakyat na sa 40,761 ang COVID-19 death toll ng Pilipinas o 1.49% ng total cases.
Samantala, mayroon pa rin namang 25 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 16 recoveries.
Mayroon din 30 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay nireklasipika matapos na matuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 16, 2021 habang mayroong 2 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 2 labs na ito ay humigit kumulang 0.3% sa lahat ng samples na naitest at 0.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” ayon sa DOH.
Paalala pa naman ng DOH, bagama’t bumababa ang mga kaso ng COVID-19 na naiiuulat nitong mga nakaraang araw, hindi dapat tayo maging kampante.
Bagkus, dapat anilang ipagpatuloy ng mga mamamayan ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at agad na magpabakuna upang makaiwas sa COVID-19. Ana Rosario Hernandez
256187 416405Hi, Thanks for your page. I discovered your page through Bing and hope you maintain providing more good articles. 137218