(ni CT SARIGUMBA)
SABIK na sabik ang marami sa atin lalo na kapag sumasapit ang holiday o bakasyon. Panahon na nga naman ito ng pagsasaya at pagre-relax. Ito rin ang mga pagkakataong nagagawa natin ang lahat ng mga activity na gustong gawin. Nakapagpapahinga rin tayo hanggang sa gusto natin.
Sa ganitong mga pagkakataon din ay nagkakaroon ng panahon para sa ating pamilya at sa mga taong malapit sa atin. Sinusulit natin ang bawat minuto o oras na kasama ang mahal natin sa buhay.
At sa mga nag-iisip ng activities na puwedeng gawin ngayong holiday, narito ang ilang tips na nais naming ibahagi sa inyo:
IPAGLUTO ANG BUONG PAMILYA NG MASARAP NA MEAL
Abala ang bawat miyembro ng pamilya sa pagtatrabaho. Kaya naman kapag holiday o walang pasok, saka lamang nagkakaroon ng panahon ang marami. At isa sa mainam gawin sa ganitong pagkakataon ay ang pagluluto at paghahanda ng masarap na meal sa buong pamilya. Kung wala namang panahon o tinatamad na magluto, puwede ring gawing option ang pagtungo sa restaurant at doon kumain.
MAGTUNGO SA MALL O BAZAAR
Isa rin sa magandang activity na puwedeng gawin ng kahit na sino ngayong holiday ay ang pagtungo sa mga bazaar. Dahil nga naman Pasko, maraming bazaar ang maaari nating dayuhin.
Sa mga bazaar din ay marami tayong mabibiling puwede nating ibigay sa mga mahal natin sa buhay o ipanregalo sa ating mga sarili.
Marami ring mapagpipilian sa bazaar at higit sa lahat, may mabibili tayong bukod sa maganda ay swak na swak pa sa budget.
MANOOD NG CHRISTMAS DISPLAY
Nakatutuwa rin at nakawawala ng nadaramang pagod ang panonood ng mga Christmas display at fireworks. Sa ganda rin ng mga Christmas display at fireworks ay pinagagaan nito ang ating pakiramdam at pinangingiti ang ating puso.
Kaya naman, para mag-enjoy ang buong pamilya ay magtungo o manood ng mga Christmas display at fireworks.
MAGPLANO NG STAYCATION
Kung kayo naman ang tipong naghahanap ng ibang lugar o nababagot sa loob ng bahay at sa pagtungo sa mall, isa namang option na maaaring subukan ang pagpaplano ng staycation kasama ang buong pamilya o mga kaibigan.
Hindi naman natin kailangang lumayo pa para lamang makapag-stay sa hotel. Maraming hotel ngayon na malapit lang o nasa Metro lang na swak na swak tigilan.
Para nga naman maiba ang lugar at makapag-relax tayo kasama ang mga taong katangi-tangi sa ating puso, magplano na ng staycation.
MAG-HOST NG POTLUCK
Kung gusto mo namang magpa-party, puwede ka namang mag-host ng potluck. Hindi ka rin gaanong mamomroblema sa ihahanda o ipakakain sa mga bisita dahil mga potluck ito. Ibig sabihin, ire-request mong magdala rin ng iba’t ibang pagkain ang mga taong dadalo sa naturang pagtitipon.
Masaya rin ito at mas makatitipid pa kayong magkakaibigan o magkakapamilya.
MAG-MOVIE MARATHON
Kung kayo naman ang klase ng pamilyang tamad na tamad lumabas ng bahay, mainam din ang pagmo-movie marathon kasama ang buong pamilya.
Mamili lang ng magagandang palabas na kaiibigan ng lahat. Puwede rin kayong magluto para may mapagsaluhan habang nanonood ng movie. O kung ayaw ninyong magluto, swak ding magpa-deliver ng pagkain.
Sa totoo lang ay napakaraming activity ang puwede nating gawin upang ma-enjoy natin ang holiday kasama ang ating pamilya, mga kaibigan at katrabaho. At ang mga nabanggit nga sa itaas ay ilan lamang sa mga ideya na nais naming ibahagi sa inyo.
Basta’t sa mga gagawing activity, isaalang-alang ang mga gusto o hilig ng buong pamilya nang mag-enjoy ang lahat. (photos mula sa bustle.com, countryliving.com, weebly)