ACTOR ARMY RESERVIST 2LT GUIDICELLI PASOK SA PSG

MAITUTURING nang kabilang sa puwersa na maaring magbigay ng seguridad sa pangulo ng Pilipinas at sa pamilya nito ang actor at Philippine Army Reservist 2Lt Matteo Guidicelli ng Army Reserve Command.

Ito ay matapos na mahirang na sumabak at mapabilang sa mga nagsipagtapos sa VIP Protection Course at bahagi ng Classes 129-2022 at 130-2022.

Ayon kay 2nd Lt. Guidicelli, isang malaking karangalan na siya’y bahagi na ng Presidential Security Group matapos na mapiling sumailalim sa naturang pagsasanay at maging parte na ng elite force na nangangalaga sa presidente at sa first family.

Si Guidicelli na ay kauna-unahang celebrity reservist na magiging miyembro ng PSG.

Sinaksihan naman ang kanyang pagtatapos ng kanyang asawang celebrity rin na si Sarah Geronimo.

Kaugnay nito ay nagpahatid ng pagkilala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa hanay ng PSG sa serbisyo at dedikasyon nitong ipinamalas kahit sa mga nakalipas na taon.

Sa mensahe ng commander-in-chief kaugnay ng pagtatapos sa isinagawang VIP protection course ng PSG, sinabi nitong hindi lamang kapuri-puri ang dedikasyon ng mga PSG na mapangalagaan siya at ang first family kundi pati na ng iba pang VIPs.

Si Pangulong Marcos ay kinatawan sa nasabing okasyon ng anak nitong si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos. VERLIN RUIZ