HINDI pinapasok o hindi pinayagang makapasok sa bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang durugistang Swis national dahil sa pagiging arogante pagdating niya sa airport.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Chrystel Canitrot, 35-anyos, at dumating ito sa NAIA terminal 3 noong nakalipas na Disyembre 3 sakay ng Cathay Pacific flight galing sa Hong Kong.
Napag-alaman na hindi ito makasagot nang maayos sa isinagawang interview ng mga tauhan ng BI at inamin nito na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot bilang pampakalma sa nararamdaman niyang sakit sa katawan.
Sa inisyal na interview ay inamin nito na wala siyang kilala sa Filipinas at hindi niya alam kung saan siya matutulog, at maliban dito ay nagpakita ng kagaspangan ng pag-uugali habang isinasagawa ang interview sa kanya.
Nadiskubre na si Canitrot ay isang horticulturist by profession, pumunta siya sa Filipinas bilang turista ngunit hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Agad itong pinasakay ng mga taga Immigration sa available flight patungong Hong Kong, matapos madiskubre ng mga tauhan ng BI na isa siyang morphine user. FROI M.
Comments are closed.