ADJUDICATION RESULT SA ‘357 DU30 DRUG LIST’ ISUSUMITE SA MALACAÑANG SA MARSO

Archie Gamboa

CAMP CRAME – PLANO ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa na isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng kanilang ginagawang adjudication process para sa 357 na mga pulis na kasama sa narcolist ng Pangulo.

Ayon kay Gamboa, noong Martes,  Pebrero 18, ay nakipagpulong siya sa Director ng PNP Intelligence at may mga isinumite na itong initial recommendations kaugnay ng nagpapatuloy na adjudication process.

Subalit nais niya aniya na tapusin muna ang adjudication process at para final recommendation na ang kanyang maisusumite sa Pangulo sa Marso 5.

Sinabi ni Gamboa sa nasabing petsa ay magkakaroon ng joint Armed Forces of the Philippines-PNP Command Conference sa Malacañang kaya target niyang doon na ibigay ang resulta ng adjudication process.

Samantala, inihayag naman ni Gamboa na 19 na lamang ngayon ang mga pulis na kasama sa narcolist na absence without official leave (AWOL).

Una nang sinabi ni Gamboa na ang adjudication ang paraan upang malinis ang pangalan ng mga nasa listahan ng Pangulo  at tiyansa rin ito para sa nasasangkot na matanggal ang pangalan nila roon para makabalik sa serbisyo.

Ang unang magba-validate ay ang regional director saka ipapasa sa National Adjudication Board na pamumunuan naman ng Deputy Chief for Administration. REA SARMIENTO

Comments are closed.