TULAD ng mga nakaraang taon, muling magpapatupad ng adjusted mall hours ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan ang inaasahang matinding trapik ngayong ‘ber’ months.
Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na balak nilang atasan ang mga mall owner na magbukas nang mas late pa sa alas-10:00 ng umaga kapag malapit na ang Kapaskuhan.
Napatunayan na malaki ang mababawas sa mga bumibiyaheng motorista kung mas late magbubukas ang mga mall lalo na tuwing weekend.
Bukod sa adjusted mall hours, mahigpit ding ipatutupad ng MMDA ang multa sa mga sasakyang naka-park nang ilegal lalo na sa 17 mabuhay lanes sa Metro Manila.
Umaasa ang MMDA na maipapataw na sa lalong madaling panahon ang dagdag na multa sa paglabag sa illegal parking na P1,000 mula sa dating P200 lamang.
Samantala, inanunsiyo ng MMDA na asahan ang matinding trapik ngayong weekend bunsod nang isasagawang road reblocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Isasara ang ilang kalye na sinimulan ng alas-11:00 kagabi (Biyernes, Setyembre 7) at matatapos ng hanggang sa Lunes (Setyembre 10), alas-5:00 ng umaga.
Ayon sa MMDA, ang mga apektadong area ay ang Southbound ng C-5 Road bago Tiendesitas hanggang C-5 Ortigas Flyover, C-5 Road (Gap 3) Chainage 52 – Chainage 420 (1st lane), EDSA harapan ng Francesca Tower paglagpas ng Scout Borromeo (3rd lane from the center island).
Sa Northbound naman ay ang EDSA bago mag-North Avenue (6th lane from center island), panulukan ng A.H Lacson Avenue, panulukan ng Aragon St., at panulukan P. Florentino St., Batasan Road bago mag Payatas Road at harapan ng QCPU (2nd lane).
Umapela ang MMDA sa mga motorista na iwasan ang mga naturang lugar ngayong weekend dahil mas lalong makararanas ang mga ito ng mabigat na daloy ng trapiko lalo’t pa walang number coding.
Payo ng MMDA na dumaan na lamang ang mga ito sa mga alternatibong ruta para hindi maabala sa kanilang pupuntahan.
Samantala magsasagawa rin ng pavement restoration ang Manila Water Co. Inc., sa C-5 Southbound pagkatapos ng intersection ng Green Meadows –C5 Road (after Jollibee).
Ang unang lane ay isinara alas-10:00 kagabi (Biyernes) at alas-4:00 ng umaga, Lunes ay passable na ito sa lahat nang sasakyan. NENET V, MARIVIC F
Comments are closed.