DUMAMI pa ang mga senador mula sa majority group na nananawagan sa Department of Finance (DoF) na ipagpaliban na ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa petroleum products dahil na rin sa pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay senador Koko Pimentel, dapat maging bukas ang economic managers ng Malacañang sa pagsususpinde sa ipinataw na excise tax sa petroleum products dahil na rin sa ipinatutupad na Train Law.
Nilinaw ng senador na nakasaad sa Train Law na kapag umabot na sa $80 dollars ang per barrel ng gasolina agad na sususpindehin ang excise tax sa susunod na mga taon.
Giit ni Pimentel, kaya nila pinayagan ang pagpapataw ng karagdagang buwis noon, dahil sinabi sa kanila ng economic managers na magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng langis pero taliwas ito sa naging forecast ng mga economic managers.
Samantala, nananawagan naman si senador JV Ejercito na dapat ng suspendihin ang exise tax sa petroleum products dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa senador, umabot na sa 4.4% ang inflation rate kaya’t nararapat lamang na agad na umaksiyon ang DOF para maremedyuhan ang problema.
Habang sinabi naman ni senador Panfilo Lacson, dapat maging maagap ang kilos ng administrasyon at huwag nang hintaying magkagulo dahil sa pagkalam ng sikmura ng mahihirap na mamamayan.
Una nang umangal ang opposition senators sa nilalaman ng Train Law, dahil para sa kanila mas mabigat ang naging pasanin ng publiko kaysa nakuhang pakinabang sa nasabing patakaran. VICKY CERVALES
Comments are closed.