(NI CS SALUD)
KUNG mayroon mang pagkain na kinahihiligan ng Pinoy, iyan ang adobo. At ang karaniwang sangkap nito ay ang manok at baboy. Kung minsan naman ay pinaghahalo ang manok at baboy.
Alam niyo ba na ang adobo ay niluluto na ng ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga kastila?
Nanggaling ang salitang adobo sa Adobar na ang ibig sabihin ay ibabad. Noon ay ginagamitan lamang ito ng suka at asin para magkaroon ng lasa. Subalit nang panahong nakipagkalakalan na ang mga Filipino sa mga Tsino, at naipakilala ang paggamit ng toyo, nagkaroon ng iba’t ibang bersiyon ang adobo. Isa na nga ang toyo sa pampalasa sa adobo sa panahon ngayon.
Napaka-ordinaryo lang ng mga sangkap at ang paraan ng pagluluto ng adobo kaya palagi itong ginagawang ulam tuwing tanghalian at hapunan. Gayundin kapag nagmamadali. Lalo ring sumasarap ang adobo kapag tumatagal.
Iba nga naman kasi ang dating ng lasa ng adobo. Ang pinaghalong alat at asim nito ay nakapagbibigay ngiti sa bawat makatitikim. Wala rin itong kahirap-hirap lutuin kaya’t lagi itong nasa listahan ng lulutuin at kinahihiligan nating mga Mommy.
At dahil mahilig sa pagkain tayong mga Pinoy, hindi rin nawawala ang galing natin sa pag-imbento ng mga lutuin. Mga simpleng lutuin na nagiging espesyal lalo na kung sinangkapan ito ng pagmamahal.
Isa na nga ang adobo sa maraming nagsilabasang estilo ng pagluluto nito na patok na patok sa panlasang Pinoy. Maging mga dayuhan nga ay nahuhumaling sa angking linamnam nito sa panlasa. At dahil isa ang adobo sa sikat na sikat at paborito ng lahat. At isa nga sa niluluto ngayon ay ang exotic food na Adobong balut.
Sa ngayon, hindi lamang sa bahay inihahanda o niluluto ang mga exotic Filipino dish gaya ng adobong balut, marami na ring mga restawran ngayon ang nag-o-offer nito. Kaya naman, talagang sikat na sikat ang mga pagkaing ito hindi lamang sa ating mga Pinoy kundi maging sa mga dayuhan.
MGA SANGKAP SA PAGLULUTO NG ADOBONG BALUT
Sa mga hindi nakaaalam, simpleng-simple lang ang pagluluto nito. Ang mga kakailanganin lang nating sangkap ay balut na 12 piraso, 1 buong bawang na pinitpit, 1 buong hiniwang sibuyas, 1 pirasong luya na binalatan at hiniwa-hiwa, kalahating tasang toyo, 1/4 na tsang suka, ¼ na tasang tubig, apat na kutsaritang mantika, paminta at asin para pampalasa. Puwede ring maglagay ng kaunting asukal.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay balatan ang balut at itabi na munang panandali.
Huwag itatapon ang sabaw sa balut.
Sa isang malinis na lutuan, magpainit ng mantika at saka i-saute ang bawang, sibuyas at luya. Kapag golden brown na ang kulay nito ay ilagay ang balut at hayaang kumulo ng ilang minuto. Lagyan ng tubig at timplahan ng toyo.
Hayaan lang na kumulo. Pagkuwa’y lagyan na rin ng suka, asin, paminta at asukal para magkalasa. Tikman.
Kapag okey na sa iyo ang lasa ay pakuluin lamang ito ng ilang minuto at puwede nang ihanda at pagsaluhan ng buong pamilya.
Comments are closed.