ANG tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go, kasama ang Department of Social Welfare and Development, ay nagbigay ng tulong sa mga mahihirap na komunidad sa General Natividad, Nueva Ecija noong Martes, Abril 25.
Personal ding tinulungan ng senador ang mga residente sa bayan noong isang araw, bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga mahihinang sektor ng lipunan.
Ang mga tauhan ni Go ay namahagi ng mga meryenda, maskara at kamiseta sa kabuuang 1,000 nahihirapang residente. Namigay rin sila ng mga bisikleta, cellular phone at sapatos sa mga piling indibidwal. Bukod dito, ang mga tauhan ng DSWD ay nagbigay ng livelihood assistance grants sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nag-alok ng karagdagang tulong ang senador sa mga residenteng nangangailangan ng medikal na atensyon dahil ipinaalam nito sa kanila na may mga Malasakit Center sa lalawigan na maaari nilang bisitahin.
Sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act of 2019 na pangunahing isinulat at itinaguyod ni Go, mayroon na ngayong 157 Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang mga nasa Eduardo L. Joson Memorial Hospital at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, kapwa sa Cabanatuan City, at sa Talavera General Hospital sa bayan ng Talavera.
Mula nang maitatag ang unang Malasakit Center limang taon na ang nakalilipas, ang mga center ay nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino sa buong bansa, ayon sa Department of Health.
“Hindi niyo na kailangan pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot dahil nasa loob na sila ng isang kwarto. Lapitan niyo lang ang Malasakit Center at wala itong pinipili. Karapatan niyo bilang mga Pilipino ang maka-avail ng serbisyo nito,” dagdag ni Go.
Sa huli, pinuri ni Go, na adopted son ng Nueva Ecija, ang mga lokal na opisyal sa pagsisikap na protektahan ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan at tinitiyak na sila ay suportado nang husto sa panahon ng krisis.
Sinuportahan din ni Go ang maraming mga hakbangin upang makatulong sa pagsulong ng pag-unlad ng ekonomiya at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo publiko sa lalawigan. Kabilang dito ang pagtatayo ng Amphitheatre sa
Talavera National High School; ang rehabilitasyon ng mga kalsada sa Cabiao, General Tinio, Pantabangan, Zaragoza at Cabanatuan City; pagtatayo ng mga flood mitigation structures sa General Tinio, Quezon, San Antonio at Zaragoza; pagtatayong mga multipurpose building sa Gabaldon, Sta. Rosa at Cabanatuan City; pagkumpleto ng Dr. PJGRMMC sa Cabanatuan City; muling pagtatayo ng Llanera public market; rehabilitasyon ng Baloc public market; at paglalagay ng mga streetlight sa Zaragoza.