AEGIS JURIS FRATERNITY MEMBER GUILTY SA OBSTRUCTION OF JUSTICE

AEGIS JURIS FRATERNITY

NAHAHARAP sa parusang pagkakabilanggo ang isang miyembro ng Aegis Juris fraternity group matapos na mapatunayang guilty sa kasong obstruction of justice, kaugnay ng kaso ng pagkamatay sa hazing ni University of Santo Tomas (UST) freshmen student Horacio “Atio” Castillo III noong 2017.

Batay sa desisyong inisyu ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 kahapon, hinatulang mabilanggo ng hanggang apat na taon, dalawang buwan at isang araw si John Paul Solano.

Gayunman, sa natu­rang desisyon ay inabsuwelto ng hukuman si Solano sa kasong perjury na kanyang kinakaharap.

Si Solano ay matatandaang siyang nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17, 2017.

Sa kanyang mga naunang pahayag sa pulisya, sinabi nito na hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong naka-handusay sa Tondo, Manila, kaya’t isinugod sa pagamutan.

Kalaunan ay nabu­king na nagsisinu­ngaling ito nang matuklasan ng mga pulis na magkasama sila sa frat group ng biktima, at matapos na pabulaanan ng mga lokal na opisyal na hindi sa kanilang lugar nadiskubre ang katawan ng hazing victim.

Inamin din nito na wala siya sa frat library nang isagawa ang ha­zing kay Castillo, ngunit tinawag siya ng kanyang mga kasamahan at inutusan siyang magdala sa biktima sa pagamutan.

Bukod kay Solano may 10 iba pang mi­yembro ng fraternity ang nahaharap din sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Law dahil sa naturang fatal hazing incident. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.