AERIAL RELIEF OPS SA CAGAYAN TULOY-TULOY

AERIAL RELIEF

CAGAYAN – Patuloy ang malawakang aerial relief operation sa  pangunguna ng Tactical Operation Group-2 ng Philippine Air Force (TOG-2) katuwang ang 5th Infantry (Star) Division Phi­lippine Army at Philippine Coast Guard sa mga residenteng nanatiling nasa kanilang bahay dahil sa lubog pa rin sila sa tubig-baha sa nasabing lalawigan.

Bagaman bumaba na ang antas ng tubig sa ilang bahagi ng Cagayan ay nagpapatuloy ang aerial relief operations ng mga ipinadalang air assets ng pamahalaan.

Sinimulan na rin ang paghahatid ng tulong sa Brgy. Linao, Tuguegarao City,  at unti unti na ring napapasok ng mga awtoridad ang mga isolated na lugar na labis na nalubog sa baha.

Samantala, umabot sa 26 ang nailigtas ng rescue and retrieval team na kung saan itinalaga ang 5th ID na magmomonitor sa mga apektadong barangay mula Isabela hanggang Nueva Vizcaya at Ifugao.

Gayunpaman, naka-preposition na rin ang ka­ragdagang 100 team ng Cordillera Administrative Region at Region 2 sakaling kailanganin pa ng re-enforcement.

Ayon kay Col. Augusto Padua ng TOG-2 Phi­lippine Air Force, may mga naka-antabay na relief goods para sa Isabela.           IRENE GONZALES

Comments are closed.