TAMPOK sa 18th General Assembly and Annual Fellowship ng Accommodation Establishments Security and Safety Coordinating Council, Inc. (AESSCCI) ang puspusang pagpapairal ng seguridad sa mga dagsang accommodations ngayong holiday season.
Ang tema ng AESSCCI general assembly na “Cybercrime Awareness in the Accommodation Industry” ay layon na matiyak ang seguridad na ipatutupad ng security officers/managers na dumalo sa nasabing pagtitipon sa Navy Golf Course Club saTaguig City nitong Disyembre 4 na dinaluhan nina Pring Vallejos, director ng AESSCCI, Marivie Morte, Assistant Manager Security ng Citadines at Danny Pineda, security head ng Discovery Hospitality Corporation.
Ayon AESSCCI President Mr. Adrian Picar na napakahalaga ng mga inihandang pagtalakay makaraan ang tatlong taon na pandemya.
Isa sa mga natukoy na naging problema ay ang online booking scams na hindi lang ang mga pribadong indibidwal ang nabibiktima kundi maging ang mga hotels at pasilidad na miyembro ng AESSCCI kaya naman nagbigay ng insights kaugnay sa Cyber Threats and the Role of Department of Information and Technology (DICT) in Cyber Security si Christine Apple B. Pre ng Advocacy Lead Cybersecurity Awareness.
Dumalo rin si Capt Sonny Galicia mula sa Philippine National Police – Anti- Cybercrime Group at nagbahagi ng mga karaniwang natatanggap na reklamo mula sa industriya at karamihan ay online booking scam.
Samantala, sinabi ni Vallejos na bilang Security Manager ng Hotel Establishment, kasama sa kanilang palaging paghahanda o contingency plans ang kahandaan sa insidente ng pagbobomba o pagsabog simula sa Prevention hanggang sa Post Incident Response at Recovery.
“Bilang Hotel establishment at ina-anticipate namin na kami ay maaaring maging soft target ng terrorismo kung kaya’t namamalagi ang aming kahandaan. Ang mga preventive measures namin ay sa pamamagitan nang pagtuturo sa mga empleyado bilang bahagi ng Awareness Dissemination kung paano mapi-prevent at madede-detect ang mga indication ng terrorismo o bomb incident,” ayon kay Vallejos.
Bagaman may mga naitatala na banta, patuloy ang panghihikayat ni Pineda sa mga turista na bumisita sa Pilipinas at tinitiyak ang seguridad ng mga ito habang naka-billet sa mga hotel sa bansa.
Ani Pineda, ang mga threat ay hindi lang sa Pilipinas nagaganap kundi sa iba ring bansa, subalit makatitiyak na patuloy ang kanilang inilalatag na security measures.
Ang nasabing pagtitipon, ayon kay Elaine Cabangon, AESSCCI secretary ay dinaluhan ng security officers mula sa mahigit 30 hotels and establishments.
EUNICE CELARIO