AFF CHAMPIONSHIP:IKA-2 SUNOD NA PANALO TARGET NG PINAYS

Mga laro ngayon:
(Binan Stadium)
4 p.m. – Indonesia vs. Malaysia
(Imus Stadium)
7 p.m. – Thailand vs. Australia
(Rizal Memorial Stadium)
7 p.m. – Singapore vs. Philippines

SISIKAPIN ng Pilipinas na masundan ang 1-0 panalo laban sa Australia noong Lunes ng gabi sa pagsagupa sa minamaliit na Singapore sa pagpapatuloy ng Group A play sa 12th Asean Football Federation Women’s Championship ngayon sa Rizal Memorial Stadium at sa dalawang iba pang venues.

Umaasang panonoorin ng mas malaking hometown crowd, target ng mga Pinay ang ikalawang sunod na panalo kontra Singaporeans sa Rizal Memorial sa alas-7 ng gabi upang patatagin ang pagsosyo sa liderato sa grupo ng torneo na inorganisa ng Philippine Football Federation.

Pipilitin naman ng Aussies na makabawi mula sa pagkatalo sa mga Pinay sa pagharap sa co-leader Thailand, na pinataob ang Indonesia, 4-0, noong Lunes sa krusyal na duelo sa pagitan ng dalawang koponan sa alas-7 ng gabi sa Imus Stadium sa Cavite.

Sa Binan Stadium sa Laguna, target ng Malaysia ang kanilang unang panalo sa pagharap sa Indonesia sa alas-4 ng hapon matapos na magkasya sa scoreless draw sa Singapore.

Nasa all-time high No. 53 sa FIFA women’s world rankings, haharapin ng tropa ni Aussie coach Alen Stajcic ang Singaporean side na mas mababa sa kanila ng 79 baitang sa No. 132, at tinalo nila, 3-0 at 4-0, ayon sa pagkakasunod, sa huling dalawang edisyon ng kumpetisyon.

Subalit walang balak ang mga Pinay na magkampante sa kanilang kampanya na mahigitan ang kanilang dating best na fourth-place sa AFF Women’s Championship sa Chonburi, Thailand, tatlong taon na ang nakalilipas bilang bahagi ng kanilang patuloy na paghahanda para sa FIFA Women’s World Cup sa 2023.

“Obviously it (the win against Australia) was an amazing result against a team that has been ranked in the top 10 for the last 10 years. The performance of our players was first class,” sabi ni Stajcic sa post-match press conference.

“We really enjoyed the win but tomorrow it’s back to business,” dagdag pa niya.

Kinatigan ni veteran Sarina Bolden, umiskor ng match-winning header sa second half, ang pahayag ng kanilang coach, at sinabing:

“This win is pretty special and shows how far the team has come. The last time I was here (in the 2019 30th Southeast Asian Games) was heart-breaking but now we started the tournament winning so it means so much.

“We just have to develop better because we have the World Cup coming up. We need to go as far as we can in this AFF tournament and continue to better ourselves.”