AFP AT US MARINES MASASABAK SA “KAMANDAG”

LIBONG marino mula Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang Philippine Marine Corps (PMC), ang mapapasabak sa United States Armed Forces, 31st at 11th Marine Expeditionary Units, sa pinasimulang 6th iteration ng Bilateral Exercise kasunod ng opening ceremony sa Philippine Navy Officers Club.

Ang PMC-led capacity enhancement training na tinaguriang, “Kaagapay Ng Mga Mandirigma ng Dagat” (KAMANDAG), o “Cooperation of the Warriors of the Sea”, ay gaganapin sa ilang lugar sa Luzon.

Magsisilbi namang mga observers ang Japan Ground Self-Defense Force at Republic of Korea Marine Corps sa gaganaping bilateral exercises.

Ang “Kamandag,” ay magsasagawa ng exercise sa ilang bahagi ng Luzon mula sa Oktubre 3 hanggang 14.
Sinabi naman ng PMC na ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang mga military personnel mula sa Japan at South Korea ay lalahok sa exercises pero bilang observers lamang.

Layunin ng war exercises na mapatibay pa ang bilateral cooperation at interoperability sa mga participating forces sa pagsasagawa ng combined tactical operations na siyang sentro ng exercise para makita ang kapasidad ng Marine Amphibious Ready Unit at mapaganda ang capabilities sa Special Operations, Coastal Defense Capability, Humanitarian Assistance at Disaster Response (HADR) Operations at Chemical, Biological, Radiological at Nuclear Operations.

Ayon kay PMC commandant MGen. Charlton Sean Gaerlan, sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, kailangan ay matutunan ang kanilang mga techniques, tactics at procedures para ma-develop ang interoperability strategy sa Marine Corps.

Samantala, aabot sa 5,500 US marine personnel naman ang ide-deploy para lumahok sa exercises kabilang na ang Okinawa, Japan-based 3rd Marine Division para sa exercise ng command at control.

Sinabi rin ng Marine Corps na hindi lamang pagtitibayin ang military ties sa pagitan ng US at Pilipinas kundi kasama na rin ang bansang Japan At South Korea. VERLIN RUIZ