NASA 2,800 checkpoints ang itinatag at minamantina ng mahigit sa 40 libong sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong bansa para matiyak na magiging maayos, mapayapa at ligtas ang gaganaping May 9, 2022 national and local election.
Ayon kay Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahang Hukbo ng Pilipinas, dinagdagan pa nila ng may 2 libong sundalo ang may mahigit 40,000 personnel na kanilang dineploy buong bansa para tumulong sa pagbibigay seguridad sa araw ng halalan.
Ayon kay Zagala, ang deployment ng mahigit 40,000 sundalo sa ibat ibang rehiyon sa bansa ay para imonitor ang mga areas of concerns kabilang dito ang 14 na siyudad at 105 na mga bayan na nasa highest red category.
Dagdag pa ni Zagala na lahat ng mga area command ay nagdagdag ng mga tropa subalit ang bilang ay depende sa pangangailangan.
Naglabas na rin ng direktiba si AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino kung saan kanilang i-adopt ang dalawang modes ng operation para sa nalalapit na halalan.
Ito ay ang election mode kung saan tutukan na ang lahat ng kanilang election duties at tasks at combat mode layon nito para ma-suppress ang lahat ng mga threat groups at lawless groups na posibleng maghasik ng karahasan sa araw ng halalan.
Kaugnay nito, pinaalalahan naman ni Centino ang lahat ng mga AFP personnel na manatiling non-partisan para mapanatili ang integridad at tiwala ng publiko sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng opisyal na walang miyembro ng AFP ang pwedeng mag-engage sa anumang partisan political activity, dahil ang tanging karapatan ng mga sundalo ayon sa Konstitusyon ay bumoto lamang. VERLIN RUIZ