AFP CHIEF, 29 PA KINUMPIRMA NG CA

KINUMPIRMA  ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. at 29 pang opisyal.

Walang miyembro ang tumutol nang kumpirmahin ng CA noong Miyerkoles ang appointment ni Brawner, kasama ang isang koronel, tatlong commodores, 22 brigadier generals, at tatlong major generals.

Sinang-ayunan ng lahat ng miyembro ng National Defense Committee ng CA ang appointment ni Brawner na noong Hulyo ay itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang chief of staff ng AFP.

Kasabay nito ang pagagawad ng Pangulong Marcos ng 4 star rank sa kanya.

Samantala, karamihan naman ng mga naging tanong ng komite na pinamumunuan ni Congressman Jayjay Romualdo ay tungkol sa polisiya na ipatutupad sa AFP.

Si Brawner din ang kauna-unahang Chief of Staff na makikinabang sa bagong batas na Republic Act 11939, na nagtatakda ng hanggang tatlong taon na maximum tour of duty bilang AFP Chief of Staff.

Kasama rin sa hiniling ng opisyal ang karagdagang mga bagong kagamitan sa hukbong sandatahan para sa pagpapalakas ng territorial defense ng bansa.
LIZA SORIANO, VERLIN RUIZ