GANAP nang isang four-star general si Armed Forces of the Philippine chief of staff Andres Centino.
Ito ay kasunod ng donning of rank na pinangunahan mismong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang commander in chief na personal na nagkabit sa balikat ni Centino ng kanyang ikaapat na estrelya sa seremonya na ginanap sa Malacañang.
Nitong Nobyembre 12 nang italaga ni Pangulong Duterte si Centino bilang ika-57 pinuno ng Sandatahang Lakas kapalit ng nagretirong si General Jose Faustino Jr.
Si Centino ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Maringal Class of 1988 at magreretiro sa Pebrero 2023.
Maliban dito, natanggap na rin nina Philippine Army (PA) Commanding General Romeo Brawner Jr. at Philippine Air Force (PAF) Commanding General Connor Anthony Canlas Sr. ang kanilang ikatlong estrella o pagiging Lieutenant General. VERLIN RUIZ