AFP CHIEF DADALO SA 440th FOUNDING ANNIVERSARY NG BULACAN

General-Carlito-Galvez-Jr

LUNGSOD NG MALOLOS – Inaasahang dadalo ang pinuno ng Armed Forces of the Philippines at dugong Bulakenyo na si General Carlito Galvez, Jr. sa paggunita sa Ika-440 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan bilang panauhing pandangal sa araw na ito (Agosto 15) ganap na alas-8:00 ng umaga sa harap ng bagong ayos na gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito.

Sasamahan niya ang mga opisyal ng Bulacan na pina­ngungunahan ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at libo-libong Bulakenyo sa okasyong ito.

Dahil idineklara ang nasabing petsa bilang ‘special non-working holiday’ sa lalawigan,  naniniwala si Alvarado na ang mga Bulakenyo ay higit na magkakaroon ng oras upang gunitain at ipagdiwang ang kahalagahan ng Araw ng Bulacan sa kani-kanilang mga paraan matapos ang programa.

“Walang ibang masayang balikan at uwian kundi ang bayan, ang lalawigan na matatawag mong sarili mong tahanan, dahil bahagi ito ng kung sino tayo, Bulakenyo tayo at anak tayo ng dakilang lalawigan ng Bulacan. Walang ibang higit na magtatanggol at magpapaunlad dito kundi tayo,” ani Alvarado.

Sisimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang banal na misa sa ganap na alas-8:00 ng ­umaga na susundan ng seremonya ng pagtataas ng watawat, panunumpa sa watawat at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Marcelo H. Del Pilar.

Samantala, tatalakayin naman ng manunulat, propesor at historian na si Dr. Jaime Veneracion ang mga saliksik hinggil sa petsa ng pagkakatatag ng lalawigan. ARIEL BORLONGAN

Comments are closed.