AFP CHIEF NAGPA-ABOT NG TULONG SA 6 NASAWING SUNDALO

LANAO DEL SUR- PERSONAL na binisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.ang burol ng anim na nasawing sundalo na sumagupa sa puwersa Daulah Islamiyah-Maute Terror Group sa lalawigang ito.

Inilagak ang mga labi ng sundalo sa headquarters ng 1st Infantry “Tabak” Division na nasa pamumuno ni Maj General Gabriel Viray sa Zamboanga del Sur kung saan mayroon ding isinasagawang prayer vigil para sa mga ito.

Kinausap din ni Brawner ang mga naulilang pamilya ng anim na sundalo at personal na nagpaabot ng kanyang pakikiramay.

Maliban sa financial assistance, nangako rin si Brawner na tutulungan niya ang mga anak o kapatid ng mga yumaong sundalo na makapasok sa military service.

Una nang nangako ang liderato ng AFP na ibibigay ang lahat ng tulong sa apat na sundalo na sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Evangelista Station Hospital sa Patag, Cagayan de Oro City.

Tiniyak din ng AFP na hindi masasayang ang ipinakitang katapangan at pag aalay kanilang buhay ng mga nasawing sundalo para sa pagsusulong ng kapayapaan sa bahagi ng Mindanao.

Sa nasabing engkwentro, tatlong kasapi ng Dawlah Islamiyah ang nasawi kung saan nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng tropa ng militar sa iba pang kasamahan ng grupo.

Ang anim na sundalo ay namatay matapos makasagupa ang teroristang grupo na Dawlah Islamiyah-Maute Group sa Munai, Lanao del Sur na sinasabing kabilang sa mga responsable sa nangyaring pagpapasabog sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City noong isang tao. VERLIN RUIZ