NAKAHANDA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) na tumalima sa magiging kautusan ng korte kaugnay sa hiling na paglilipat ng kustodiya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ito ay sa likod ng planong paghahain muli ng DND kaparehong mosyon sa Quezon City RTC Branch 106 kung saan nakasampa ang kasong child abuse laban kina Quiboloy, et’al.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, handa namang tumugon ang sandatahang lakas sa magiging pasya ng korte.
May mga pasilidad naman umano ang AFP na pwedeng pagdalhan kay Quiboloy kung sakaling ililipat ito sa kanilang kustodiya.
Kamakalawa ay naghain sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang DND ng mosyon para tutulan ang paglipat sa kustodiya ni Quiboloy sa Kampo Aguinaldo.
Una nang sinabi ng DND ang mga pasilidad sa AFP ay may mahigpit na operational security protocols, kaya’t hindi angkop na i-kustodiya ang mga suspek na nasasangkot sa anumang kasong kriminal.
Samantala, umiwas nang bulatlatin pa ng AFP ang isyu ng paggamit ng air asset ng Philippine Air Force (PAF) para madala sa Maynila sina Quiboloy at apat pang akusado nito.
Bahagi lamang umano ito regular na operasyon at kooperasyon ng militar kaya nagamit ang C-130 aircraft ng PAF sa pagsundo kay KOJC leader at 4 na kapwa akusado nito mula Davao patungong Metro Manila noong Linggo makaraang sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Padilla, wala silang direktang impormasyong natanggap kaugnay sa paggamit ng naturang asset ng militar hinggil dito.
Tugon ito ni Padilla makaraang tanungin ng mga kagawad ng media kung utos ba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isakay sina Quiboloy sa C-130 patungong Metro Manila.
Magugunitang isa umano ito sa kahilingan ni Quiboloy bago ito sumuko ng maramdamang nakukubkob na ng pulis at militar ang kanyang pinaglulunggaan.
Tikom din ang bibig ni Padilla hinggil sa iba pang mga detalye ng partisipasyon ng militar sa pagsuko ni Quiboloy dahil ang Philippine National Police (PNP) ang siyang lead agency dito.
Una nang inihayag ni Padilla na suportado ng Sandatahang Lakas ang lahat ng mga ginagawang hakbang ng Pambansang Pulisya hinggil sa kaso ni Quiboloy, at ito aniya’y magpapatuloy hangga’t kailangan ang kanilang tulong.
Matatandaang napilitang sumuko si Quiboloy at 4 na iba pa makaraang palibutan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Special Action Force (SAF) ang pinagtataguan nilang lugar sa KOJC compound sa pamamagitan narin ng joint operations ng pulisya at militar.
VERLIN RUIZ