AFP NAGPALIWANAG SA MGA PUMUPUNA SA 3-YEAR FIXED TERM SA MGA HENERAL

NAGBIGAY ng ilang paglilinaw ang Armed Forces of the Philippines kaugnay sa ipinatutupad ngayong tatlong taong fixed terms sa ilang top senior military generals.

Ayon kay Col. Medel Aguilar, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan, maaapektuhan ng nasabing panukala ang mga 3-star generals.

Nabatid na ang House Bill 6482 na inakda ni House Speaker Martin Romualdez kasama sina Representatives Raul Tupas, Mercedes Alvarez, Divina Grace Yu at Jorge Bustos ay ginawa pagkatapos ang konsultasyon sa mga opisyal ng militar na layuning tanggalin ang 3 taong takdang termino para sa ilang opisyal ng AFP.

Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11709 noong Abril 13, na nagtatakda ng nakapirming tatlong taong tour of duty para sa AFP chief of staff, vice chief of staff, deputy chief of staff, major service commanders (Army, Air Force, at Navy), maging mga pinuno ng unified command at inspector general “maliban na lang kung paiikliin ito ng Pangulo”.

Sinabi ni Aguilar na ang 3-taong tour of duty mula sa chief of staff ay “hindi masyadong mahaba.”

“Hindi binabago ang termino ng chief of staff. The prerogative on the part of the President to terminate the designation of one officer is already incorporated in the law so I think there is no change,” ani Col. Medel sa isang panayam.

“Ngunit may ilang mga maliliit na pagbabago na iminumungkahi lalo na sa mga 3-star na heneral upang magkaroon ng paggalaw, na ang organisasyon ay magiging mas flexible at dinamiko habang tinutugunan nito ang banta sa seguridad at kasabay ng aming hangarin para sa propesyonalismo sa ating hanay.”

Nilinaw ni Aguilar na ang pagbabago sa fixed term para sa ilang opisyal ng militar ay depende sa sitwasyon at pangangailangan ng organisasyon.

Isa sa mga layunin ng RA 11709 ani Senator Panfilo Lacson, principal sponsor at co-author ng panukalang batas, na ang mga nakapirming termino para sa mga opisyal ng militar ay tatapos sa “revolving door” policy sa AFP at matitiyak pa ang pagpapatupad ng merit-based promotion at attrition systems.

Ibabalik ng House Bill 6482 ang panuntunan na maliban sa Chief of Staff ng AFP, walang opisyal na itatalaga sa mga pangunahing posisyon o itataas sa ranggong Brigadier General/Commodore o mas mataas kung ang nasabing opisyal ay may mas mababa sa anim na buwan ang nalalabi sa kanyang active service bago ang mandatory retirement.

Naglalaan din ito ng pagpapahaba para sa mga nasa posisyon ng Kapitan, Major, at Tenyente Koronel at dagdagan ang pinakamataas na tenure-in-grade para sa Koronel habang tinutugunan din nito ang probisyon ng batas sa pagreretiro kasama ang mga iminungkahing hakbang sa pensiyon at pagreretiro para sa militar at iba pang uniformed personnel. VERLIN RUIZ