CLARK AIR BASE-INIHAYAG ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Andres Centino na tuloy-tuloy ang ginagawa pagpapalakas nang kanilang kapabilidad laban sa terorismo at iba pang banta sa pamamagitan ng mga modernong kagamitan mula sa Estados Unidos.
“The AFP continues to make great strides in strengthening our counter-terrorism capabilities with new and modern equipment such as the latest grants from the United States,” ayon pa kay Centino.
Nitong nakalipas na araw ay natanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa $2.3 million dollars na halaga ng equipment grant mula Estados Unidos na bahagi ng U.S. Counter-Terrorism (CT) and Foreign Military Financing (FMF) programs.
Ang mga kagamitang pandepensa ay dumating kamakalawa sa Haribon Terminal, Clark Air Base sa Pampanga na karga ng U.S. KC-10A aircraft.
Kabilang sa mga makabagong military hardware ang laser designation systems forward air controller, air field operations and logistics support, defense advanced GPS receiver, C-130 spares, at precision guided munition tool kits para sa Philippine Air Force (PAF).
Ang Philippine Army ay nakatanggap naman ng tactical network rover at pangsuportang kagamitan habang ang Philippine Navy ay nakatanggap ng samu’t saring weapon support equipment. VERLIN RUIZ