MASUSING tinututukan ng Armed Forces of the Philippines ang hinihinalang Chinese spy na nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police na nahulihan ng baril, high-tech communication gadgets, cellular interceptor device, tablets, cellphone at drone.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, AFP Spokesperson na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa PNP-Criminal Investigation & Detection Group hinggil sa nahuli Chinese na nanutok ng baril at nakuhanan ng mga kahina-hinalang gamit na posibleng pang-eespiya.
“The AFP commends the CIDG and local law enforcement for their swift action in apprehending Mr. Yuhang Liu in Makati City. The discovery of firearms and sophisticated electronic equipment is concerning and underscores the importance of vigilance, ” ani Padilla.
“We are closely coordinating with relevant authorities to determine the full scope of this incident. Ensuring national security remains our top priority, and we are committed to supporting ongoing investigations, lalo na at ito ay isang banyaga, “dagdag pa nito.
Si Yuhang Liu, isang Chinese ay inaresto dahil sa reklamong panunutok ng baril, subalit nang dakpin ay narekober sa kanya ang baril, cellular interceptor device, tablets, cellphone at drone at electronic equipment na hinihinalang ginagamit din sa hacking.
Kaugnay nito, inihayag ni Padilla na aalamin nila ang lawak ng insidente dahil maituturing itong may kinalaman sa national security.
Nababahala ang AFP sa pagkakarekober ng mga sophisticated electronic equipment sa naturang Chinese na nagpakilalang dating empleyado ng POGO.
Ayon kay PNP-CIDG Spokesperson Lt.Col. Imelda Reyes kasama sa mga narekober sa Chinese ang iba’t-ibang mga high-tech na gadgets, equipment set na may circuit board, portable power station, military-Grade drone, high-powered firearm, cellular interceptor device, tablets, cellphone na maaari umanong gamit sa pang-eespiya.
Sinabi pa ni Reyes , ang ilan sa kanilang mga nakumpiska ng gadget mula sa nasabing Chinese ay wala ang PNP dahilan kung bakit nagpasaklolo na rin sa mga eksperto upang i-validate ang mga ito at alamin na rin kung ano ang kanyang operasyon ginagawa. VERLIN RUIZ