TAHASANG kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard ( PCG) ang mapanganib na pakikialam ng China Coast Guard (CCG) na sinasabing kaibigan ng Pilipinas nang harangin at gamitan ng water cannon ang isang civilian vessel na maghahatid lamang ng supply sa mga sundalong naka station sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Maging ang United States ay nagparating ng kanilang pagkabahala sa peligrosong aksyon na ginawa ng CCG sa isang sibilyan na barko na inarkila ng militar para magdala lamang ng supplies.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar nakakabahala ang ginawang pagpapakita ng excessive force ng CCG laban sa mga barko ng Pilipinas.
Kinumpirma ni Aguilar na hinarang ng water cannoned ng CCG ang Chartered vessel nitong Sabado ng umaga ang nasabing chartered vessel habang naglalayag patungong Ayungin Shoal para sa isang routine troop rotation at resupply mission.
Iginiit ng AFP na hindi man lamang inisip ng CCG ang peligro na dulot ng kanilang ginawa sa mga taong sakay sa nasabing barko.
“Nanawagan kami sa China Coast Guard at Central Military Commission na kumilos nang may pag-iingat at maging responsable sa kanilang mga aksyon upang maiwasan ang mga maling kalkulasyon at aksidente na mapanganib sa buhay ng mga tao,” pahayag pa ng AFP.
Binatikos din ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG West Philippine Sea, ang mga ginawang aksyon ng CCG na isang “paglabag sa International Laws.
Kabilang sa mga batas na sinasabing nilabag ng CCG, ayon sa PCG ay kinabibilangan ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS), at ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa Pilipinas.
“Hinihiling namin sa China Coast Guard, bilang isang organisasyon na may responsibilidad na sundin ang mga obligasyon ng estado sa ilalim ng UNCLOS, COLREGs, at iba pang nauugnay na instrumento ng internasyonal na kaligtasan at seguridad sa maritime, na itigil ang lahat ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng maritime zone ng Pilipinas,” ani Tarriela.
Agad ding nagpahayag ng kanilang suporta ang United States sa Pilipinas sa kanilang inilabas na pahayag na ang mga aksyon ng China ay “direktang nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.”
“Such actions by the PRC are inconsistent with international law and are the latest in repeated threats to the status quo in the South China Sea, directly threatening regional peace and stability. By impeding necessary provisions from reaching the Filipino service members stationed at Second Thomas Shoal, the PRC has also undertaken unwarranted interference in lawful Philippine maritime operations” dagdag pa ng state department. VERLIN RUIZ/
PAULA ANTOLIN