(AFP, PNP Intel nakatutok) CHINESE MILITARY UNIFORMS NASAMSAM SA NI-RAID NA POGO

NAKATUTOK ngayon ang military at pulis sa mga nasamsam na Chinese military uniforms sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firm sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga awtoridad kamakailan.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), posibleng ginagamit o gagamitin ito ng ilang indibidwal para sa paghahasik ng karahasan o pananakot subalit hindi para sa paghahanda sa posibleng pagsalakay

Ayon kay AFP Spokesperson Col Francel Margarette Padilla, “Regarding the discovery of alleged Chinese military uniforms at the POGO facility in Porac, Pampanga, it is important to note that POGO operations have been known to engage in various illegal activities, including online scams.”

‘The presence of Chinese military uniforms may likely be used as props in these illicit online transactions. The limited number of PLA uniforms found suggests they are more indicative of use in deceptive activities rather than any preparation for an invasion,” paliwanag pa ni Padilla.

Nilinaw pa nito, ayaw nilang lumikha ng pangamba at tinitiyak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na mandato at sinumpaang tungkulin ng AFP na pangalagaan ang sambayanan at protektahan ang bayan.

Gayundin, hindi pa naglalabas ng kanilang panig ang China Embassy hinggil sa mga nadiskubre PLA military uniforms umano sa loob ng sinalakay na POGO na itinuturing na ngayon ng ilan na national security threat sa Pilipinas.

Kamakailan, nadiskubre ang umano’y digital camouflage uniform na may mga butones na may nakalagay na inisyal na “P.L.A.” na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na maaaring tumutukoy sa People’s Liberation Army na isang armadong organisasyon ng Chinese Communist Party (CCP) at ang pangunahing puwersang militar ng People’s Republic of China.

Kaugnay nito, iimbestigahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung mayroong Chinese military personnel sa bansa na posibleng nagpapanggap bilang mga empleyado ng POGO.

Isang senior military officer naman na tumangging magpakilala na hindi ito palalagpasin ng military at masusi itong tutukan ng kanilang intelligence network maging ng Philippine National Police.

Samantala, itinanggi naman ni Porac Mayor Jaime Capil ang akusasyon na siya ay protektor ng ilegal na operasyon ng POGO sa kanyang bayan.

Itinanggi rin ni Capil na pag-aari niya ang lupa kung saan nakatayo ang POGO firm at tinawag din fake news.

Dagdag pa ni Capil na ang compound ay nakakuha ng building permits para sa mga pagtatayo nito ngunit pinagbawalan ang municipal government na pumasok sa kanilang pogo compound para sa inspeksyon noong Mayo 3.

Una ng nakumpiska sa ilang araw na paggalugad ng mga awtoridad sa POGO hub ang daan-daang cellphone at mga computer sa Lucky South 99 compound, nasamsam din ang nasa P600,000 na cash, hinihinalang mga iligal na droga at mga alahas. VERLIN RUIZ