(AFP, PNP pinulong) VP SARA TINIYAK ANG SEGURIDAD NG BANSA HABANG WALA SI PBBM

PINULONG kahapon Vice President Sara Duterte-Carpio ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Pambansang Pulisya ng Pilipinas para sa isang Major Command Conference.

Layunin nitong talakayin ang kasalukuyang sitwasyon hinggil sa seguridad ng bansa habang nasa tatlong araw na state visit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Isinagawa ang pagpupulong sa Bulwagan ng Karunungan ng Department of Education sa Pasig City.

Si VP Inday Sara ay itinalaga ni Pangulong Marcos Jr., na officer-in-charge ng bansa habang nasa state visit ito.

Una nang itinaas ng PNP at AFP ang antas ng kanilang alerto kaugnay sa paglabas ng bansa ni Pangulong Marcos para sa tatlong araw na official visit sa Indonesia at Singapore.

Kabilang sa mga ipapatawag ni VP Inday Sara ay ang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), chief ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army chief, Philippine Navy chief, Philippine Air Force chief at iba pang opisyal ng security sector ng bansa. VERLIN RUIZ