PALAWAN-MATAGUMPAY at panatag ang isinagawang resupply mission ng AFP Western Command sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kamakalawa.
Nabatid na hindi pumapel o nagsagawa ng shadowing o radio challenge ang mga namataang Chinese Coast Guard sa may bahagi ng West Philippine Sea habang nagsasagawa ng resupply mission ang Philippine Navy.
Sa isinumiteng ulat ng Joint Task Force West sa pangunguna ni Captain Alan Javier, nakapaghatid ang militar ng food supplies, tubig, gamot, maintenance at repair equipment at iba pang pangangailangan sa barko ng Navy.
Aniya, ligtas din na nakapasok at nakalabas ang barko na naghatid ng supply sa Ayungin Shoal.
Samantala, sinabi naman ni Vice Admiral Alberto Carlos, commander ng AFP Western Command na naresolba na ang isyu sa pagbiyahe ng barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea kaya wala na silang naging problema sa resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Giit pa nito na magpapatuloy ang suporta ng WesCom sa morale at kapakanan ng mga sundalo na nagbabantay sa outpost sa Ayungin Shoal. VERLIN RUIZ