AFP UMAASANG ‘DI ‘KIKILOS’ ANG CHINA SA PH-US BALIKATAN

UMAASA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang gagawin na mapanghamong aksyon ang China sa kasagsagan ng mga ilulunsad na joint maritime na nakapaloob sa Balikatan Exercises 39-2024 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay Navy spokesman for WPS Commodore Roy Vincent Trinidad, naniniwala silang hindi magsasagawa ng anumang ilegal na aktibidad ang China sa kasagsagan ng pagsasanay.

“It is an activity between the US and the Philippines, historically the illegal, unprovoked, uncalled for actions of China will only be to the Philippines.”

Ito ay kasunod ng napaulat na pagdami ng bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea kung saan ilan pa sa mga ito ay namataan sa mga lugar na pagdarausan ng naturang pagsasanay makaraang magsimula ang naturang joint military exercises ng Pilipinas kasama ang iba pang mga kaalyado nating mga bansa.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commo. Roy Vincent Trinidad, matagal nang panawagan sa China na igalang at sumunod sa International Law kung kaya’t inaasahan na wala itong gagawing anumang hakbang na makakapagpataas pa ng tensyon sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

“That has been the call ever since for China to respect international law and I expect them to behave actually this time,” ani Trinidad.
Subalit tiniyak ni Trinidad na may mga nakalatag na rin silang kaukulang mga hakbang sakaling magkaroon man ng tangkang panggugulo ang China sa ikakasang military exercises.

Masasaksihan ngayong Linggo ang sabayang pagpapatrolya ng mga barko ng Pilipinas, Amerika, Australia at France sa karagatang sakop ng Pilipinas bilang bahagi ng naturang pinakamalaking iteration ng Balikatan Exercises.
VERLIN RUIZ