PASAY CITY – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang African passenger dahil sa paggamit ng pekeng Canadian visa.
Ayon sa report na nakarating kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ang suspek na si Ghanaian national Abdul Wahab Issah, 36-anyos, at naaresto sa NAIA terminal 2 noong Oct. 21.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng pahayagang ito, pasakay si lssah sa Philippine Airlines flight patungong Toronto nang madiskubre na peke ang kanyang Canadian visa at inamin nito sa isinagawang inisyal na imbestigasyon na binili niya ang kanyang visa sa halagang $6,000 sa isang fraud syndicate na nag-o-operate sa bansa.
Si Issah ay kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya.
Kaugnay nito, inatasan ni Morente ang lahat ng mga immigration officer sa buong bansa na maging maingat partikular sa pag-monitor sa mga foreign traveller para makasiguro na hindi makalulusot ang mga ito palabas ng Filipinas.
Upang makasiguro, binalasa ng pamunuan ng BI ang 200 members ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa NAIA at iba pang nakatalaga sa mga international airport sa buong bansa bilang paghahanda sa darating na Undas. FROILAN MORALLOS