WALA pa ang banta ng African swine flu (ASF) sa Filipinas pero posible umano itong magdulot ng “malaking problema” sakaling mahawa ang suplay ng baboy ng bansa, ayon sa miyembro ng isang agricultural group.
Bagama’t iginiit ng Bureau of Animal Industry (BAI) na hindi nakahahawa sa tao ang karneng may ASF, may negatibo umanong epekto ang pagkakaroon ng epidemya, ayon sa chairman ng Samahan ng Industriyang Agrikultura na si Rosendo So.
Maaari pa umano itong ikamatay ng maraming baboy at ikalugi ng industriya.
“We are supplying mga 95% of local [products] dito sa ating local market. Kung makapasok ito, malaking problema ‘yan sa ating industriya and their consumer dahil malaki ‘yung supply natin,” ani So.
Maaaring may ASF ang isang baboy kung mayroon itong sintomas ng lagnat, pulang pantal sa katawan, at pagdurugo ng internal organs na ikamamatay nito sa loob ng dalawa hanggang 10 araw.
Para maiwasan pang madagdagan ang mga kaso, nagsimula nang ipatupad ng BAI ang “B.A.B.E.S” na layong maiwasang magdulot ng outbreak sa bansa. Ito ay:
B-an pork imports from 13 countries; A-void swill feeding; B-lock entry at international ports; E-ducate our people; S-ubmit our samples.
Nagsimula nang maglagay ng disinfection foot mats sa mga paliparan at pantalan ang mga awtoridad.
Sinimulan na rin ang pangongompiska ng mga produktong karne na galing sa mga bansang apektado ng ASF.
PAG-AANGKAT NG BABOY SA MGA BANSANG MAY AFRICAN SWINE FEVER, IPINAGBABAWAL
Nauna nang ipinagbawal ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pagpasok ng mga karneng baboy at pork-based na produkto mula sa 13 bansang apektado ng ASF.
Ang mga bansa na pinagbabawalan ng DA na mag-angkat ng pork at pork-based na produkto sa Filipinas ay ang mga sumusunod: China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova South Africa at Zambia.
Itinigil na ang pagkuha ng baboy mula Belgium at Hungary, kung saan aktibong nag-aangkat ang bansa, dahil sa naturang outbreak.
Ipinagbabawal na rin ang swill feeding, o pagpapakain sa mga baboy ng tirang pagkain.
“Basta it came from an ASF-infected country, hindi nila papapasukin ‘yung product… possible kasi na mayroon pa ring remnant ‘yung virus doon kahit pa ‘yan processed food,” ani Joy Lagayan, focal person for communications ng BAI.
Nakiusap din si Lagayan sa publiko na huwag munang mag-uwi ng mga processed meat na galing umano sa mga bansang apektado ng swine fever outbreak.
Comments are closed.