AFTERSHOCKS MAGPAPATULOY

INAASAHANG  magpapatuloy ang mga aftershocks sa susunod na ilang linggo kasunod ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Miyerkoles ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

“We expect aftershocks to continue for several weeks, pero the first three days po ang marami and hopefully, pababa na siya,” sinabi ni Phivolcs chief Renato Solidum.

Aniya, maaaring bumalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan kapag idineklara na ang kanilang mga gusali o tirahan na ligtas sa istruktura.

“But people should be ready how to respond properly during aftershock kasi malakas pa po ang posibleng aftershock,” ayon kay Solidum.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 798 aftershocks ang naitala sa Abra. Ani NDRRMC Assistant Secretary Bernardo Alejandro IV na ang mga ito ay mula sa magnitude 1.5 hanggang 5.4.

Upang higit na mabigyang tulong ang mga biktima ng lindol, nadagdagan pa ang bilang ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na para tumulong sa operasyon sa mga lugar na naapektuhan nito.

Inatasan ang mga tauhan ng BFP na tumulong sa lahat ng aspeto ng safety at health response.

Kabilang dito ang pagtitiyak ng kaligtasan at injury prevention; pag-dokumento sa lahat ng injuries at illnesses; pagtitiyak ng paggamit ng personal protective equipment (PPE) kung kinakailangan; pagbuo ng daily health and safety plans na tutugon sa sanitation, hygiene, PPE, at decontamination.

Paruloy ang mga tauhan ng BFP sa pagsasagawa ng recovery at clearing operations sa mga lugar na naapektuhan ng lindol. LIZA SORIANO