AFTERSHOCKS NAGPAPATULOY SA BATANES –PHIVOLCS

AFTERSHOCKS

QUEZON CITY – PA­TULOY pa ring nakararanas ng panaka nakang pagyanig ng lupa sa bahagi ng munisipalidad ng Itbayat, Batanes.

Ito ang kinumpirma ni DOST Undersecretary at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum kasunod ng pagtama kamakailan sa lugar ng halos tatlong ulit na pag­lindol.

Sa isang panayam ng PILIPINO Mirror kay Solidum sa pagdaraos ng National Disaster Resilience Summit sa Quezon City, sinabi nito ng unang tinamaan ng 5.4 magnitude na lindol ang lugar kung saan mayroon ng mga sira ang ilang kabahayan na yari sa bato o mga limestones kung kaya’t ganoon na lamang kalawak ang naging pinsala.

Sinundan pa ito ng 5.9 magnitude at naramdaman sa lugar ang Intensity 7 na lindol at ilang oras pa ang nakalipas sa pangatlong pagyanig ay nakaranas naman ng 5.8 magnitude sa Itbayat na hindi gaanong nabanggit sa mga report kung kaya’t dito aniya tuluyang bu­magsak ang kampanaryo sa naturang lugar.

Patuloy naman aniyang abala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) katuwang ang Office of Civil Defense (OCD) gayundin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensiya upang muling maisaayos at maibalik ang mga nasirang tahanan at gusali sa nabanggit na probinsiya.

Samantala, pinangunahan naman ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana na siyang chairperson ng NDRRMC ang pagdaraos ng National Disaster Resilience Summit (July 30-31) na may temang “A Whole-of-Society Approach: On the Road to Resilience,” na ginaganap sa Quezon City.

Ang two-day event ay kasunod na rin ng paggunita ng National Resilience Month ngayong July kung saan tumuon ang naturang programa sa kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at mga partners nito hinggil sa kahandaan sa pagtugon sa mga nagaganap na ka­lamidad sa bansa.

Tinatahak din nito na makamit ang Sendai Framework for Disaster Risk Reduction (SFDRR) at ang seventeen (17) Sustainable Development Goals ng United Nations (UN).

Katuwang naman sa naturang programa ang Disaster Risk Reduction Network Philippines (DRRNetPhils), World Vision Development Foundation, Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF), Philippine Preparedness Partnership (PhilPrep), Assistance and Cooperation for Community Resilience and Development (ACCORD) at National Resilience Council (NRC. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.