AGA MUHLACH, JANICE DE BELEN PROOF NA ANG EX-LOVERS PWEDENG FRIENDS

Napakala­king kontro­bersya ang nangyari nang mabuntis si Janice de Belen sa edad na 17 at ang ama ay ang menor de edad ding si Aga Muhlach. Noong 1985, napaka-successful ng career ni Janice sa mga TV soaps at pelikula. Pero nabuntis nga siya dahil sa sikretong pakikipagrelasyon sa ama ng kanyang anak kaya napilitan siyang pansamantalang magpahinga.

Akala ng lahat ay screen partner lang niya si Aga sa mga pelikulang Erpat kong Forgets, Napakasakit Kuya Eddie, Bakit Madalas ang Tibok ng Puso, When I Fall in Love at iba pa.

Noong 1986, biniya­yaan sina Aga at Janice ng isang anak na lala­king pinangalanan nilang Luigi. Kailanman ay hindi inisip ni Ja­nice na ipalaglag ang kanyang anak, at sa halip, buong tapang niyang inanunsyo ang kanyang pagdadalangtao sa harap ng telebisyon, kahit alam niyang maaaring masira nito ang kanyang image.

Inalok daw naman siya ni Aga ng kasal, pero siya na mismo ang tumanggi, dahil pakiramdam niya ay pareho pa silang napakabata. May lumabas na intrigang ayaw raw ni Amalia Fuentes kay Janice kaya walang naganap na kasalan, ngunit hindi raw ito totoo. Si Amalia ang matriarch ng pamilya Muhlach, at lagi itong may “say” kahit sa fami­ly decisions nina “Alex Muhlach, ama ni Niño Muhlach at Alvaro Muhlach, ama naman ni Aga.

Kalaunan, nagkahiwalay din sina Aga at Janice, at nagkaroon na rin sila ng kani-kanilang pamilya, ngunit nanatili silang magkaibigan. Masasabing hindi naman lumaki si Luigi na kulang sa pagmamahal ng magulang.

Maganda rin ang relasyon ni Luigi sa kanyang mga kapatid na sina Andres at Atasha Muhlach na anak na kambal nina Aga at Charlene Gonzales, pero tingin namin, mas favorite niya ang kanyang four sisters na anak naman nina Ja­nice at John Estrada.

Malapit din siya kay Charlene, at kahit nga raw sina Janice at Charlene ay friends din.

“Me and Janice, ‘di na kami nakakapag-usap because ‘di naman namin kailangan magkuwentuhan pero kapag tumawag s’ya at tumawag ako, that can happen anytime. Walang issue ‘yon,” ani Aga. Pero mas madalas daw na sina Janice at Charlene ang nagkaka-usap kahit paano.

Happily married si Aga kay beauty queen-actress Charlene Gonzalez, at mahigit 23 years na silang kasal.

Si Janice naman, nagpakasal Siya kay John Estrada pero naghiwalay sila kaya single parent siya ngayon sa apat na anak na sina Inah, Moira, Kaila at Yuan.

Sa magandang pagsasamahan ngayon nina Janice at Aga, hindi ba patunay itong pwedeng maging friends ang da­ting lovers?

Kaye VN Martin