PALALA nang palala ang kaso ng dengue.
Sa katunayan, idineklara na ang state of calamity sa Capiz dahil sa sumisirit na kaso nito.
Sa datos ng Provincial Health Office mula Enero hanggang kasalukuyan, nasa 1,700 ang dengue cases at limang pasyente ang namatay.
Pinakahuling nagdeklara ng state of calamity ang Samar kung saan naitala ang mahigit 2,000 kaso ng dengue sa nasabing lalawigan nito lamang Agosto.
Pinakamaraming kaso sa siyudad ng Catbalogan, Calbayog at bayan ng Paranas.
Sa buong bansa, naitala ng Department of Health ang 150,354 na kaso mula Enero hanggang Agosto 10 na may average na 4,700 kaso kada linggo.
Nasa 396 deaths na ang naitatala dahil sa dengue.
Gayunman, malamig pa rin ang pamahalaan na ideklara ang national dengue outbreak sa pag-asang makokontrol ito sa pamamagitan ng search and destroy sa pinamumugaran ng lamok at malawakang fumigation.
Sa panig ng health authorities, nanatiling hati ang kanilang pananaw sa paggamit ng bakuna laban sa dengue dahil sa takot na idinulot nito ilang taon na ang nakalilipas.
May mga dalubhasa na nagsasabipng dapat nang gamitin ang bakuna upang mapigilan ang mga namamatay.
Mayroon namang hindi kagaya ng TB, polio, measles ang dengue dahil ito ay nakukuha sa kagat ng lamok at maaaring maiwasan.
Parehong may punto, ngunit sa huli dobleng ingat ang bawat isa.
Sa panig ng pamahalaan, maging laging handa sa responde at kampanya sa pag-iwas sa dengue.