AGARANG ‘DEPORTATION’ SA CHINESE NATIONALS SA KIDNAPPING

PLANO ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ C. Abalos, Jr. ang agarang pagpapa -deport sa sinumang maarestong Chinese nationals na suspek sa pag-kidnap ng kapwa nila mga Chinese.

Ito ay kasunod na rin ng umano’y reyalidad na wala namang naipupursigeng kaso ng kidnapping kung ang mga biktima ay mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang responsable ay kababayan din nilang mga Chinese.

Dismayado umano ang kalihim dahil nauuwi sa wala ang pagsusumikap ng Philippine National Police (PNP) na resolbahin ang mga kaso.

Bukod dito aniya, nagdudulot pa ito ng masamang imahe ng bansa sa international community dahil nagmumukhang masama ang peace and order sa Pilipinas na umano’y taliwas sa tunay na sitwasyon.
Una nang inamin ni PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na walang conviction at walang naitutuloy na kaso sa korte kapag ang mga biktima at mga suspek ay pawang mga Chinese nationals.

Batay sa rekord ng PNP-Anti Kidnapping Group, mula pagpasok ng 2022, nangunguna sa 27 kaso ng kidnapping ang pagdukot ng Chinese sa kapwa nila Chinese nationals.

Sinabi ng PNP Chief, magkakakilala at magkaka-lugar sa China ang mga sangkot na Chinese na pare-parehong mga POGO workers.

Dahil dito giit ng DILG Chief, makikipagpulong siya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para tutukan ang mga isyu at problema tungkol sa operasyon ng mga POGO na nasa ilalim ng hurisdiksiyon nito. EVELYN GARCIA