LANAO DEL SUR- PERSONAL na nagtungo kahapon si Armed Forces of the Philippines chief of Staff General Romeo Brawner sa Marawi City upang iparating ang mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na tugisin at tapusin na ang operation laban sa Daulah Islamiyah at mga responsable sa terrorist attack sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo.
Pinangunahan ni Brawner ang e-Command Conference kasama ang ilang senior military officers mula sa General Headquarters at top commanders sa Western Mindanao Command para ibaba ang utos ni Pangulong Marcos .
Kinausap din ng heneral si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim at mga regional police officials para talakayin ang mga inilatag na security measures.
“We will go after the perpetrators as soon as possible and use all resources at our disposal in order to make this happen. Coordinate closely with the Philippine National Police, work as one in order to address this issue and make sure that this will not happen again,” ani CSAFP .
Sa pakikipag-usap sa tropa, napag-alamang pinasimulan na ng AFP ang pakikipag-ugnayan sa PNP hinggil sa imbestigasyon at pagtukoy sa bomb signature para ma-identify tang terrorist group sa likod ng pagpapasabog.
Kasalukuyang bina-validate ng AFP at ang ginawang pag-ako ng ISIS sa pagpapasabog at ang involvement ng Daulah Islamiyah -Maute Group sa terror attack.
Samantala, inihayag ng PNP kahapon na may dalawang persons of interest silang tinututukan na posibleng may kaugnayan sa pagbomba sa MSU habang nagmimisa na ikinamatay ng apat katao at ikinasugat ng 50 iba pa.
Sinasabing ang dalawang persons of interest ay sangkot din sa mga naganap na bomb attacks sa ilang area ng Mindanao.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo. wala silang nakitang indikasyon na isang suicide attack ang naging pagsabog.
Pinawi naman ng PNP ang pangamba na magkaroon ng spillover sa Metro Manila ang nasabing bomb attack dahil wala naming umano silang natitiktikan na banta sa Kalakhang Maynila kasunod ng Marawi blast. VERLIN RUIZ