AGARANG SERBISYONG LEGAL SA MGA OFW PINATITIYAK SA DMW

IGINIIT ni Senate Majority leader Joel Villanueva na dapat tuloy-tuloy lang ang serbisyong legal sa overseas Filipino workers (OFWs) kasunod nang pormal na paglilipat ng Assistance-to-Nationals (ATN) functions sa Department of Migrant Workers (DMW) mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na epektibo sa Hulyo 1, 2023.

“The transition should be smooth and seamless so that services to our OFWs, especially those in distress will be continuous,” sabi ni Villanueva.

Bilang principal author at sponsor DMW Act, sinabi ni Villanueva na ang paglipat ng ATN functions para sa mga OFW ay upang tiyakin na agad-agad na makakarating sa kanila ang tulong at hindi na kailangang makipagkumpetensiya sa ATN ng DFA para sa mga Pilipinong hindi OFWs.

Gagamitin ng DMW ang pondo ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) habang hiwalay ang pondo ng DFA ATN.

Layunin ng AKSYON fund, na nagkakahalaga ng P1.082 bilyon nitong Hunyo 22, 2023, na maghatid ng iba’t ibang serbisyo sa mga OFW, kabilang ang legal assistance, welfare at emergency response sa mga nangangailangang migranteng Pilipino.

“Noong itinulak po natin ang pagpasa ng DMW Act, siniguro po natin na may nakalaang pondo ang ahensiya sa pamamagitan ng AKSYON fund para sa mga pangangailangan ng ating mga OFWs katulad ng legal, medical, repatriation at iba pa,” ani Villanueva.

Umaasa rin si Villanueva na magtutuloy-tuloy ang pagsisikap ng DWM sa pagsasaayos ng kanilang sistema at sanayin ang kanilang mga opisyal at personnel para isagawa ang kanilang tungkulin.

“The transfer of assistance functions will allow the DMW to establish itself as the go-to agency of our OFWs,” ayon sa senador.

“Sa ganitong paraan, tunay na pong magkakaroon ng isang bahay ang ating mga OFWs at lalo pa silang mabigyan ng proteksyon, agarang legal na tulong at iba pang ayuda,” dagdag niya.

Samantala, pinasalamatan ng Majority Leader ang gobyerno ng United Arab Emirates, sa pangunguna ng kanilang Presidente, Mohammed Bin Zayed Al Nahyan, sa pagbigay ng pardon sa tatlong Pinoy, kabilang ang dalawa na nasa death row.

Sa kasalukuyang datos ng pamahalaan nitong Marso 2023, may 81 Pinoy na nasa abroad ang nahaharap sa mga kasong may parusang kamatayan.

“Nagsisimula na po tayong makakita ng magandang resulta sa matibay na pakikipag-ugnayan ni Pangulong Bongbong Marcos sa liderato ng iba’t ibang bansa,” ani Villanueva.

“Sa kanila pong pagbibigay ng pardon, mabibigyan ng pagkakataon ang ating mga kakabayan na magbagong buhay.

Dalangin po natin na marami pa sa ating mga kababayan ang mailigtas sa parusang kamatayan,” sambit pa niya.
VICKY CERVALES