ILANG linggo pa lamang ang nakalilipas simula noong uminit ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at ng Russia ay nagsimula nang maramdaman ng Pilipinas ang epekto nito nang ianunsiyo ng mga kompanya ng langis ang matinding pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Matatandaang bago pa man matapos ang linggo ay nagbabala na ang ilang mga kompanya ng langis na maaaring pumalo mula sa P3 hanggang P6 kada litro ang presyo ng petrolyo.
Ito ay sapagkat ang Russia at Ukraine ay dalawa sa mga pinakamalalaking prodyuser ng petrolyo, at ang kanilang sigalot ay pinangangambahang makaapekto sa suplay, lalo pa at ang Pilipinas ay isa lamang “net importer” o tagabili ng produktong petrolyo.
Sa usaping ekonomiya, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay direktang nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin, pati na rin sa industriya ng transportasyon at manupaktura. Dahil ang lahat ng aspetong ito ay inaasahang tumaas, tiyak na ganito rin ang magiging epekto sa inflation rate ng ating bansa.
Kung ating iisipin ay napakalaking dagok na naman ng posibilidad na ito sa ating ekonomiya lalo pa at nagsisimula pa lamang tayong bumangon mula sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19. Kaya naman kinakailangan ng pamahalaan na lalo pang paigtingin ang paggawa ng mga hakbang at paraan upang protektahan mula sa epekto ng pagtaas ng petrolyo ang ating mga mamamayan, lalong-lalo na ang mga mahihirap nating kababayan.
Noong mga nakaraang linggo, ilang mga ekonomista, kongresista, at mga negosyante na ang naghimok sa pamahalaan na suspindehin ang excise tax sa produktong petrolyo upang pansamantalang mabawasan ang pasanin ng ating mga mamamayan ngunit ito ay hindi naaksiyunan dahil umano sa bilyon-bilyong kita ng gobyerno na maaaring mawala.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya ay bigo rin itong masuspinde kahit na napakaraming Pilipino ang noo’y apektado at walang trabaho.
Matatandaang noong magsimula ang administrasyong Duterte ay sinimulan ng kanyang economic managers ang pagsasaayos sa sistema ng buwis sa Pilipinas na naglalayong palakihin ang kita ng gobyerno at bawasan naman ang pasanin ng ating mga mamamayan, at kabilang na rito ang pagpapataw ng mas mataas na excise tax.
Kaya naman sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o Train Law, nagpataw ng P7 na buwis ang gobyerno sa kada litro ng petrolyo mula noong 2018, at lalo pa itong tumaas sa P10 kada litro noong taong 2020 kahit pa ang bansa ay nasa kasagsagan ng pandemya. Samantala, nasa P2.50 kada litro naman ng buwis ang ipinataw sa kada litro ng diesel, at tumaas pa ito sa P6 kada litro noon ding taong 2020.
Patuloy ang ilang advocates sa paghimok sa pamahalaan na suspindehin ang excise tax, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na sagot ang pamahalaan ukol dito. Kailangan na itong maaksiyunan bilang agarang pagtulong natin sa ating mga mamamayan.
Dagdag pa, kung hindi mapaiigting ang desisyon sa excise tax ay dapat nang bilisan ang paggawa ng mga alituntunin at pag-apruba sa iba pang mga paraan katulad ng pagbibigay ng subsidiya para sa mga pampublikong driver, upang sa gayon ay maprotektahan din natin ang ating mga commuter mula sa epekto ng pagtaas ng mga bilihin.
Sa kada araw na dumadaan na walang nagagawang matatag na desisyon ang gobyerno para sa mga bagay na nangangailangan ng agarang pansin, kaakibat nito ay ang matinding epekto sa ating ekonomiya at mamamayan. Sa bandang huli, tayo ring muli ang maghihirap sa pagresolba sa mas masasamang epekto nito.