LAGUNA-NAGTAPOS ang mapaminsalang araw ng riding in tandem na matagal nang pinaghahanap ng pulisya matapos mambiktima ng dalawang estudyante sa magkahiwalay na lugar sa lungsod ng Cabuyao sa nasabing lalawigan.
Naaktuhan ito ng mga nagpapatrulyang pulis kahapon dakong alas-8:30 ng umaga.
Kinilala ni Col. Rogarth Campo, Laguna PNP provincial director, ang mga nadakip na sina Raul Almarinez Gonzaga, 32-anyos at Gerald Valdez, 39-anyos na residente ng Barangay San Antonio, Binan, Laguna.
Ayon sa report, isang dalagita ang kiniladkad ng mga suspek at inagawan ng cellphone na nagkakahalaga ng P16k.
At nagkataong nagpapatrulya ang mga tauhan ng Cabuyao City police station na sina Cpl. Ronn Michael Juanito at Cpl. Marc Arman Perino kaya’t agad na dinakip ang dalawang suspek.
Nauna rito, dakong alas-7:20 ng umaga ay isang lalaki ang nagsumbong na inagawan din ng cellphone na nagkakahalaga ng P25k kung saan sinabi nito sa pulisya na ang dalawang nahuling suspek ang siya rin nang-agaw ng kanyang gamit isang oras lang ang nakalilipas.
Nabawi sa mga suspek ang dalawang cellphone at kinumpiska rin ang ginamit ng mga itong motor at kakasuhan ang dalawa ng robbery. ARMAN CAMBE