AGE DOESN’T MATTER

BEN TAN

Kalabaw lang ang tumatanda

(ni CYRILL QUILO)

HINDI hadlang ang edad upang makapag-enjoy ang bawat isa sa atin at magawa ang mga gustong gawin sa buhay. Age doesn’t matter, ‘ika nga. Ito ang katunayang hindi kailanman magiging hadlang ang edad ng isang tao upang maabot ang kanyang mithiin sa buhay.

Ang kasabihang age doesn’t matter ay hindi lamang din swak sa mga nai-inlove na mas matanda o bata sa kanilang partner. Puwede rin itong kasabihan para sa mga taong kahit nagkakaroon na ng edad ay gusto pa ring patunayan sa kanyang sarili at sa ibang tao na mayroon pa silang ipakikitang galing.

Sabi nga sa kasabihan ng mga Pinoy, kalabaw lang ang tumatanda. Pinatunayan ito ng isang 66 taong gulang na lolo na hanggang ngayon ay patuloy sa kanyang hilig sa pagtakbo—si Benjamin Tan ng Biñan, Laguna.

Ipinanganak ito sa Narvacan, Ilocos Sur noong July 28, 1953. Nagtrabaho ng 17 taon sa Saudi Arabia bilang technician sa isang malaking kompanya.

Dala ng sobrang lungkot sa ibayong dagat dahil hindi pa uso ng mga panahong iyon ang email, Facebook at chat, naisipan niyang sumali sa isang kompetisyon ng pagtakbo. Tinalo siya ng isang batang pitong taong gulang samantalang siya ay nasa edad na 26 noong panahon na iyon.

BEN TAN-2
Ben Tan (kaliwa) kasama ang kanyang mga kaibigan nang subukan ang ibang sports tulad ng golf.

Sobrang naging buo ang loob niya at nagpursige na maging magaling sa lara­ngan ng pagtakbo. Marami na siyang nasubukang sports tulad ng dart, golf, tennis, diving at kung ano-ano pa upang mabawasan lang ang kanyang kalungkutan.

Umuwi siya sa Filipinas at nag-retire sa trabaho sa ibang bansa noong 2001. Nagpasiya siyang magtayo ng negosyo.

Bumagsak ito. Naging masakit sa kanyang kalooban na tanggapin ang pangyayaring iyon dahil ang lahat ng kanyang pinaghirapan ng mahabang panahon ay nabalewala.

Na-depress siya at natutong manigarilyo. Sa kanyang paninigarilyo ay nagkaroon siya ng pneumonia at sakit na altapresyon.

Dahil tumataas ang kanyang blood pressure kaya niya napagdesisyunang tumakbong muli. Ayaw na niyang mabuhay sa pag-inom ng synthetic na gamot dahil na rin sa napakaraming naidudulot na hindi maganda sa katawan.

Unang-una na nga riyan ay sinisira nito ang ating internal organs.

Muli ay naging matatag ang kanyang desisyon at mas lalong naging buo ang loob na bumalik sa pagtakbo. Sa katunayan nag-qualify pa siya sa isang marathon ng isang sikat na produkto noong nakaraang July 28, 2019 na ginanap sa MOA na 21km race.

BEN TAN-3
Sinubukan din ang diving at nagturo ng tamang pagda-dive.

Hindi niya iniisip ang sasabihin ng ibang tao lalo ng mga kabataang nahihilig sa pagtakbo. Para kay Banjamin Tan, hindi hadlang ang kanyang edad para magawa ang sa tingin niya ay makapagpapabuti sa kanyang kalusugan at makapagbibigay sa kanya ng kasiyahan.

Bukod sa dami ng benepisyong naidudulot ng pagtakbo, nagiging positibo ang ating isip at pamumuhay sa araw-araw. Maraming bagay ang makukuha natin dito. Hindi lamang dahil sa in demand ito o uso ang mga fun run.

Kaya para sa ating mga kababayang nagnanais na tumakbo o nais sumali sa mga fun run huwag na mag-atubili o magdalawang isip na gawin ito. Dahil ito ay higit na makatutulong para sa ating pangangatawan na maging malakas, malusog at masigla.

Huwag idahilan ang edad upang makamtan ang mithiin at hinahangad sa buhay. Habang may lakas sige lang. Age doesn’t matter.

Comments are closed.