NAKATAKDANG bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa South Korea sa susunod na buwan upang talakayin ang ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas sa mga kapitbahay nito sa Asia.
Aalamin din ng Pangulo ang kalagayan ng mga overseas Filipino worker doon.
Nang tanungin hinggil sa posibilidad ng agenda ng Pangulo sa kanyang pagbisita, hindi nagbigay ng ispesipikong sagot si presidential spokesperson Harry Roque, Jr. at sinabing nirereserba niya ang mga detalye ng biyahe sa regular briefing sa Malacañang sa Lunes.
“Well ito po ay kalakalan pa rin, saka iyong kapakanan noong ating mga manggagawa roon sa Korea. Pero sa Lunes po, magkakaroon ng briefing at doon po sasabihin ng buong-buo kung ano iyong agenda sa pagbisita sa Korea,” wika ni Roque sa isang panayam sa radyo.
Nauna nang inihayag ng presidential office ng South Korea na bibisita si Pangulong Duterte sa Hunyo 3-5. Kabilang siya sa mga world leader na inaasahang dadalo sa isang summit sa Hunyo 4 upang talakayin ang mga hakbang na magpapalakas sa kanilang alyansa at lalo pang magpapatibay sa kanilang ugnayan.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), may 65,000 Pinoy sa naturang bansa.
Comments are closed.