AGHAM, BIR ROADS PINALITAN NG SEN. MIRIAM DEFENSOR-SANTIAGO AVE

PINALITAN ang dalawang kalsada sa Quezon City na malugod na tinangggap ng lungsod ang panukalang Miriam Defensor-Santiago sa Agham at BIR roads bilang pagkilala sa dating yumaong Senadora.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, buong puso nitong sinusuportahan ang hakbang ng Senado na ipangalan sa dating Senadora ang dalawang kalsada sa lungsod.

“Napakalaki pong karangalan para sa ating siyudad na dalhin ang pangalan ng ating senadora na walang takot na lumaban kontra katiwalian at tumayo para sa kapakanan at karapatan ng taumbayan,” anito.

Sa 22 affirmative votes at zero negative votes o abstention, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7413 na naglalayong palitan ang pangalan ng mga kalsada ng Agham Road at BIR Road sa Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue.

Si Santiago na pumanaw noong Setyembre 2016 matapos ang mahabang pakikipaglaban sa lung cancer ay humawak ng iba’t ibang posisyon sa tatlong sangay ng gobyerno.

Naglingkod ito bilang presiding judge ng Quezon City Regional Trial Court at nagtrabaho bilang Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) at Kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Nagsilbi rin siyang Senador sa loob ng tatlong termino.

“Siya rin ang una nating Asian judge na nahalal sa International Criminal Court, unang Pilipino na napili bilang commissioner para sa International Development Organization at nagsilbi rin bilang Legal Officer ng UN High Commission for Refugees sa Geneva, Switzerland.

Patunay ang lahat ng kanyang puwestong hinawakan kung gaano siya kagaling. Nararapat lamang na mabigyang-halaga ang kanyang pagiging mahusay na lingkod-bayan,” ani Belmonte.

Para sa kanyang matapang at moral na pamumuno sa paglilinis ng isang ahensiya ng gobyerno na puno ng katiwalian, natanggap ni Defensor-Santiago ang Magsaysay Award para sa Serbisyo ng Gobyerno na kilala bilang katumbas sa Asya ng Nobel Prize noong 1988. PAULA ANTOLIN